MANILA, Philippines – Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magaganap ang March equinox ngayong Biyernes, Marso 20, na magdudulot ng halos pantay na haba ng araw at gabi sa buong mundo.
Kilala rin bilang vernal equinox, ito ang simula ng spring sa northern hemisphere at autumn sa southern hemisphere.
Ayon sa PAGASA, nangyayari ito kapag ang araw ay direktang nasa ibabaw ng equator ng mundo, kaya halos magkapantay ang liwanag at dilim.
Sa Pilipinas, inaasahang sisikat ang araw ng 6:01 a.m. at lulubog ng 6:07 p.m., o humigit-kumulang 12 oras at 6 minuto ang liwanag ng araw.
Sa panahong ito, sumisikat ang Araw sa eksaktong silangan at lumulubog sa eksaktong kanluran—isang pangyayaring nagaganap lamang dalawang beses sa isang taon tuwing equinox.
Dagdag pa ng PAGASA, magaganap ang eksaktong equinox sa 10:46 p.m. (Philippine Standard Time), ang sandaling tumatawid ang araw sa equator. RNT/MND