MANILA, Philippines – Binatikos ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas ang umano’y mabagal at kulang na tugon ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, na lalo umanong nagpapalubog sa utang ng maliliit na mangingisda.
Ayon kay Fernando Hicap, Pamalakaya national chairperson, “Hindi na nga sapat, mabagal pa. Higit sa lahat, nasa 15,000 lamang sa mahigit dalawang milyong rehistradong mangingisda ang magiging benepisyaryo.”
Dagdag niya, “Sixty percent ang nadagdag na gastos sa krudo ng mangingisda kada palaot. Saan lamang aabot ang P3,000 fuel subsidy? Kulang pa sa tatlong araw ito, samantalang araw-araw pasanin ng mga mangingisda ang lumobong gastos sa produksyon.”
Sinabi ng grupo na ang P3,000 fuel subsidy ay halos hindi sapat at ilang araw lang tatagal dahil sa mataas na konsumo ng krudo. Iminungkahi rin nila ang pagsuspinde ng fuel taxes na umaabot sa P15–P17 kada litro upang agad na makatulong.
Samantala, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis. Nauna nang nagbabala ang Department of Energy na maaaring tumaas ang diesel ng P20.40–P23.90 kada litro at gasolina ng P12.90–P16.60 kada litro. Dahil dito, umaabot na sa P75–P80 kada litro ang diesel sa ilang lugar, at inaasahan pang tataas.
Ayon sa ulat, dulot ito ng tensyon sa Middle East na nakaapekto sa suplay ng langis sa mundo.
Hindi lang mangingisda ang apektado—tumataas din ang pamasahe, presyo ng pagkain, at gastusin ng mga magsasaka at maliliit na negosyo. Sinabi ni Danny Carranza na tataas ang gastos sa produksyon na makakaapekto sa food supply.
Nagpahayag din ng puna ang Anakpawis. Ayon kay Anakpawis national president Ariel Casilao, “P3,000 hanggang P5,000 sa isang bagsakan, saan lang aabot ito? Mahigit 60% ang itinaas ng gastos sa produksyon ng mga mangingisda at magsasaka kada araw, pero katiting lang ang ilalaang subsidyo.”
Dagdag pa niya, “Dito pa lang ay makikita na ang kawalang sinseridad ng pamahalaan na alalayan ang mga apektadong sektor sa gitna ng walang-humpay na pagsirit ng presyo ng langis.”
Noong Marso 19, sumama ang Anakpawis sa protesta sa Quezon City kasabay ng transport strike na pinangunahan ng Piston, na nanawagan ng mas mabilis at sapat na ayuda.
Ayon kay Glo Fernandez, Anakpawis-Quezon City coordinator, “Mahigpit na sinusuportahan ng mga maralita ang aming mga kababayang tsuper na nagsasagawa ng malawakang pagkilos ngayong araw. Pabaya ang administrasyong Marcos sa simpleng panawagan na pabilisin ang pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong sektor.”
Nanawagan ang PAMALAKAYA ng mas matibay na hakbang, tulad ng pagsuspinde ng VAT at excise tax sa langis at pagrepaso sa oil deregulation policy. Sa ngayon, patuloy na hinaharap ng mga mangingisda ang tumataas na gastos nang walang katiyakan kung kailan magkakaroon ng sapat na tulong. RNT/MND