MANILA, Philippines – Naghain ng resolusyon ang Duterte bloc noong Marso 18 na humihiling sa Office of the President at sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ilahad sa publiko ang kanilang mga nagawa bago matapos ang kanilang mandato.
Pinangunahan ito nina Paolo Duterte, Harold James Duterte, Omar Vincent Duterte, at Isidro Ungab.
Ayon sa mga mambabatas, kulang ang impormasyong inilalabas tungkol sa resulta ng imbestigasyon ng komisyon, kaya hindi malinaw sa publiko ang kalagayan at kinalabasan nito.
Itinatag ang ICI sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 na inilabas ni Ferdinand Marcos Jr. matapos ihinto ng House of Representatives ang pagdinig ng infrastructure committee noong Setyembre 24, 2025 at ilipat ang mga dokumento sa komisyon.
Sa ilalim ng kautusan, dapat regular na magsumite ng ulat ang ICI sa Office of the President at ilabas sa publiko ang kanilang mga nagawa at iba pang dokumento.
Gayunman, sinabi ng mga mambabatas na wala pang nailalabas na ulat, kabilang ang 125-day report at final accomplishment report na kasalukuyang tinatapos.
Kinuwestyon din nila ang pagiging independent ng komisyon dahil dumadaan sa pagsusuri ng Pangulo ang kanilang mga ulat.
Binanggit din sa resolusyon ang pahayag ng Pangulo na papanagutin ang mga sangkot sa umano’y iregularidad sa mga proyektong imprastraktura, ngunit ayon sa Duterte bloc, wala pang naiuulat na malalaking pag-aresto habang papatapos na ang gawain ng komisyon.
Umaasa ang grupo na ilalabas ng ICI ang kanilang ulat na isinumite sa Malacañang para sa transparency at access ng publiko sa impormasyon. RNT/MND