JERUSALEM / TEHRAN – Nagpalitan ng panibagong pag-atake ang Israel at Iran noong Biyernes, isang araw matapos targetin ng Iran ang oil refinery sa Israel at babala ni US President Donald Trump laban sa karagdagang pag-atake sa Iranian gas field.
Inatake ng Israel ang Tehran, habang nagpaputok naman ng missiles ang Iran na nagdulot ng air raid sirens sa Tel Aviv. Libo-libo na ang nasawi sa digmaan, karamihan sa Iran at Lebanon, mula nang magsimula ang joint attack ng US at Israel noong Pebrero 28.
Kumalat na rin ang tensyon sa Middle East, kung saan may naiulat na missile threat sa United Arab Emirates at drone attack sa oil refinery sa Kuwait.
Lumalala ang krisis sa enerhiya matapos tamaan ng Iran ang Ras Laffan Industrial City sa Qatar, na nagpoproseso ng malaking bahagi ng liquefied natural gas sa mundo. Apektado rin ang Saudi Arabia at ang Strait of Hormuz, na dinadaanan ng malaking bahagi ng suplay ng langis sa mundo.
Bagama’t bumaba ang presyo ng langis noong Biyernes dahil sa tulong ng ibang bansa para masiguro ang ligtas na pagdaan ng mga barko, nananatiling mataas ang panganib ng global oil crisis.
Sinabi ni Trump na hindi na uulitin ng Israel ang pag-atake sa energy infrastructure, habang iginiit ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na mag-isa nilang isinagawa ang ilang operasyon.
Samantala, nagbabala ang Iran na papasok na sa “new stage in the war” ang labanan at maaaring magpatuloy ang pag-atake sa energy facilities ng kanilang mga kalaban. RNT/MND