MANILA, Philippines – Sinabi ni policy analyst Prof. Emmanuel Leyco na nasa “state of economic emergency” na ang bansa at dapat agad suspindihin ang fuel excise taxes upang mabawasan ang pasanin ng mga Pilipino.
Ayon kay Leyco, hindi na dapat hintayin ang 30 araw na kondisyon na $80 per barrel ang presyo ng langis bago kumilos ang gobyerno.
“We are in a state of emergency. Let’s not wait for the 30 days,” aniya.
Iminungkahi rin niya ang pagpapatupad ng wealth tax sa pinakamayayamang indibidwal upang mapunan ang mawawalang kita ng gobyerno.
“Perhaps this is the time we can consider a wealth tax. If you are a billionaire, it probably wouldn’t hurt…,” dagdag niya, at maaaring taasan pa ito para sa multi-bilyonaryo.
Babala naman ng Department of Finance na maaaring umabot sa P136 bilyon ang mawawalang kita ng gobyerno sa 2026 kapag inalis ang fuel excise tax.
Ayon kay Leyco, malaki na ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, na umaabot na sa P10 hanggang P40 na dagdag, at may mga driver na nawawalan ng hanggang P300 kita kada araw.
Aniya, kahit P5 hanggang P10 bawas sa presyo ng gasolina mula sa tax suspension ay malaking tulong na. Dagdag pa niya, mabagal ang pagpapatupad ng subsidies at nahihirapan ang gobyerno sa mabilisang pamamahagi ng tulong.
“We are undergoing a serious crisis that requires a comprehensive and more serious and effective policy response on the part of the government,” giit ni Leyco. RNT/MND