Home HOME BANNER STORY Trike drivers na ‘di nakakuha ng P5K fuel subsidy, ‘di uuwing luhaan...

Trike drivers na ‘di nakakuha ng P5K fuel subsidy, ‘di uuwing luhaan – DSWD

208
0

MANILA, Philippines – Magsasagawa ng special payout sa susunod na linggo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga tricycle driver sa National Capital Region na hindi nakatanggap ng kanilang cash assistance sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, layunin ng hakbang na maabot ang mga driver na hindi naserbisyuhan sa mga nakaraang payout schedule.

“Walang naka-schedule ngayon, pero kahapon mayroon kaming payout. Next week, mag-uumpisa naman na tayo sa iba pang drivers… Puwede tayong mag-schedule ng special payout next week, para ma-accommodate ang mga tricycle driver na hindi na-serve nitong mga nakaraang araw,” aniya.

Mahigit 120,000 tricycle driver sa NCR ang nasa listahan upang makatanggap ng P5,000 ayuda, kung saan higit 90,000 na ang nabigyan sa nakalipas na tatlong araw.

Gayunman, may ilan pa ring hindi nakakuha dahil hindi nakadalo sa itinakdang schedule o kulang sa requirements.

“May mga hindi nakapunta nu’ng araw ng kanilang payout. May mga karagdagan pang hindi na-serve… Mayroon pa tayong hinahanap na ilang tricycle drivers. By next week, magsasagawa tayo ng special payout para sa kanila,” dagdag ni Dumlao.

Sinabi rin niyang iaanunsyo ang detalye ng payout sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan. Kinakailangan ang personal na pagdalo at pagpapakita ng valid driver’s license, bagama’t pinag-aaralan ng ahensya ang posibleng pag-amyenda sa patakarang ito.

“We are very careful sa pag-distribute ng pera… Kapag ‘yung driver ay hindi makapunta sa schedule payout, tinatanong namin bakit… Kasi kinakailangan, physically present,” aniya.

Bukod sa mga tricycle driver, magbibigay rin ng ayuda ang DSWD sa iba pang sektor ng transportasyon sa NCR, kabilang ang TNVS drivers sa Marso 24, jeepney drivers sa Marso 25, delivery riders sa Marso 26 at 27, at motorcycle taxi riders sa Marso 28. Ang pamamahagi sa labas ng NCR ay sisimulan matapos ang Holy Week.

Ipinamamahagi ang ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East, kung saan inaasahang aabot sa P14.50 kada litro ang dagdag sa diesel at P7.50 sa gasolina sa susunod na linggo. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here