MANILA, Philippines – Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South African fugitive sa Cebu na wanted sa Kenya dahil sa kasong sexual assault.
Kinilala ang suspek na si Michael James Noble Ballantine, 42, na naaresto sa Mandaue City noong Marso 18 sa isang joint operation na pinangunahan ng Fugitive Search Unit ng BI. Nahuli siya matapos mag-apply sa BI Cebu District Office.
Si Ballantine ay may Interpol Red Notice kaugnay ng mga kasong sexual assault at compelled indecent acts sa ilalim ng Sexual Offences Act of 2006 ng Kenya.
Ayon sa ulat na natanggap sa pamamagitan ng Philippine Center on Transnational Crime, naganap umano ang insidente noong Agosto 2024 kung saan sinasabing inabuso niya ang mga biktima sa loob ng kanyang sasakyan.
Naglabas ng warrant of arrest ang isang korte sa Kenya noong Setyembre 2024, at sinundan ito ng paglabas ng Red Notice noong sumunod na buwan.
Batay sa rekord ng BI, dumating si Ballantine sa Pilipinas noong Disyembre 2024 bilang temporary visitor. Nag-expire ang kanyang visa noong 2025, kung kailan siya inilagay sa blacklist at watchlist bilang isang undesirable alien.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng BI-Central Visayas habang isinasagawa ang proseso ng kanyang deportation. Mary Anne Sapico