Home NATIONWIDE 4 utas, 2 grabe sa ‘rido’ sa Iloilo

4 utas, 2 grabe sa ‘rido’ sa Iloilo

171
0

MANILA, Philippines – Patay ang apat katao habang dalawa pa ang malubhang nasugatan matapos mauwi sa madugong sagupaan ang alitan ng dalawang pamilya sa Barangay San Isidro, La Paz, Iloilo City, Sabado ng gabi.

Ayon sa Iloilo City Police Office (ICPO), naganap ang insidente bandang alas-9:40 ng gabi sa pagitan ng mga miyembro ng pamilyang Muya at Provido, na kapwa residente ng lugar.

Kinilala ang mga nasawi na sina Tyron Muya, 33; Johnny Provido Sr., 68; Johnny Provido Jr., 40; at Joeven Provido, 46, na pawang idineklarang dead on arrival sa mga ospital na pinagdalhan sa kanila.

Samantala, dalawang miyembro ng pamilyang Muya ang nagtamo ng maraming saksak at kasalukuyang ginagamot habang nasa kustodiya ng pulisya.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang insidente sa mainit na pagtatalo na nauwi sa armadong sagupaan gamit ang mga patalim.

Narekober ng mga operatiba ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang ilang armas sa pinangyarihan, habang patuloy na sinusuri ang CCTV footage at kinakalap ang mga testimonya upang matukoy ang eksaktong daloy ng pangyayari at pananagutan ng bawat sangkot.

Iniimbestigahan din ng pulisya kung may kinalaman ang ilegal na droga at labis na pag-inom ng alak sa insidente.

Mariing kinondena ni ICPO officer-in-charge Police Colonel Wilbert B. Parilla ang nangyari. “We strongly condemn this senseless act of violence that resulted in the loss of lives,” aniya.

“I have directed all concerned units to conduct a thorough and in-depth investigation to establish the full circumstances of this incident and ensure that all responsible individuals are held accountable before the law,” dagdag niya.

Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga suspek, habang nanawagan ang pulisya sa mga opisyal ng barangay na higpitan ang pagpapatupad ng curfew at lokal na ordinansa, at paigtingin ang mga hakbang laban sa kaguluhang dulot ng labis na pag-inom ng alak. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here