Home METRO Gulaman vendor pinagkamalang ‘asset’, binaunan ng bala sa ulo

Gulaman vendor pinagkamalang ‘asset’, binaunan ng bala sa ulo

161
0

MANILA, Philippines – Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naganap na shootout sa San Fernando, Cebu matapos lumabas na posibleng nag-ugat ito sa mistaken identity, na ikinasawi ng isang vendor ng gulaman at ng suspek, habang nasugatan ang isang pulis.

Batay sa ulat ng pulisya, binaril umano ng suspek na kinilalang si Jay Castañares ang biktimang si Emilio Miñoza Sabroso sa Barangay Greenhills matapos mapagkamalan itong asset.

Nagbebenta lamang ng gulaman si Sabroso nang lapitan at barilin sa ulo, na agad niyang ikinamatay.

Nang rumesponde ang pulisya upang arestuhin ang suspek, pinaputukan umano sila ni Castañares—isang dating konsehal na kakalabas lamang ng kulungan kaugnay ng kasong droga—na nagbunsod ng engkuwentro at umabot sa apat na oras na standoff sa Barangay Sangat.

Ayon sa mga awtoridad, tumanggi umanong sumuko ang suspek at kalaunan ay nasawi matapos sunugin ang sarili niyang bahay habang nagpapatuloy ang operasyon.

Samantala, ginawaran ng pagkilala si Patrolman Kim Ceniza Villaraiza, na nasugatan sa insidente matapos tamaan ng bala sa kili-kili, dahil sa kanyang naging aksyon upang mapanatili ang kaligtasan ng mga sibilyan.

“His decisive actions contributed significantly to the safe containment of the situation and the protection of civilian lives,” ayon sa pahayag ng Cebu Provincial Police Office.

Isinugod sa ospital ang nasugatang pulis at kasalukuyang nasa maayos na kondisyon. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang kabuuang pangyayari at pananagutan sa insidente. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here