MANILA, Philippines – Nagsagawa ng magkasanib na maritime drills ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at United States Indo-Pacific Command sa Manila Bay at karagatang sakop ng Mariveles, Bataan bilang bahagi ng pagpapalakas ng koordinasyon at kakayahang mag-operate nang magkakasama.
Isinagawa noong Marso 20 ang Maritime Cooperative Activity 26-3.1 na nakatuon sa maritime security at response operations sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. Nagdeploy ang AFP ng BRP Antonio Luna, dalawang A-29B Super Tucano aircraft, isang C-208B, at Sokol search and rescue aircraft, habang ipinadala ng PCG ang BRP Gabriela Silang. Mula naman sa panig ng Estados Unidos, lumahok ang USS Blue Ridge, ang flagship ng US Navy’s 7th Fleet.
Kabilang sa isinagawang aktibidad ang communications check at photo exercise bilang bahagi ng pagpapahusay ng interoperability ng mga pwersa.
“The successful conduct of the MCA reflected the continuing commitment of the Philippines and the United States to strengthen coordination and cooperation in promoting regional maritime security, stability, and adherence to international law,” ayon kay AFP public affairs chief Col. Xerxes Trinidad.
Patuloy ang pagpapalawak ng ugnayang depensa ng Pilipinas at Estados Unidos sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea, kung saan lumalakas ang presensya ng China.
Nakabatay ang kanilang alyansa sa 1951 Mutual Defense Treaty, na sinusugan pa ng mga kasunduang tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) para sa mas malawak na joint exercises at access sa mga base militar.
Bago ang naturang drills, nakipagpulong si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan kay US 7th Fleet Commander Vice Admiral Patrick J. Hannifin sa Maynila—ang unang pagbisita ng isang US Navy fleet commander sa Coast Guard. Tinalakay sa pulong ang pagpapalakas ng maritime domain awareness at pagpapalawak ng joint training.
Ayon sa PCG, patuloy nilang pinahahalagahan ang pakikipagtulungan sa Estados Unidos at nananatiling committed sa mas pinaigting na kooperasyon sa pamamagitan ng regular na ugnayan at magkasanib na aktibidad. Dave Baluyot