DAPAT talagang gumawa na ang pamahalaang Marcos ng plano at programa sa langis at liquified natural gas o LNG na magtatagal ng mahigit limang taon upang maibsan ang grabeng problema sa suplay at presyo ng mga produktong petrolyo at LNG sa Pilipinas.
Sa ngayon, malaking problema ang katotohanang 97% ng mga krudo at produktong petrolyo ng Pilipinas ay imported.
Nagsimula namang mag-angkat ang Pilipinas nitong 2023 ng LNG dahil mauubos na ang Malampaya natural gas sa 2027 at ipapalit dito ang LNG para tuloy-tuloy na umandar ang mga planta ng kuryente sa Batangas na lumilikha ng 16% ng suplay ng kuryente natin.
Sa produktong petrolyo gaya ng diesel, gasolina, kerosene, aviation fuel, bunker fuel na gamit ng mga barko at malalaking generator, at iba pa, 30% nito ang galing sa China at 40% ang galing sa South Korea at ang iba, galing sa Singapore at Japan.
Ngunit alalahanin ding mula sa Middle East na may digmaan sa langis ang malaking pinagkukunan ng China, South Korea, Japan at Singapore ng kanilang mga langis.
Sa ngayon, tumigil ang China sa pagbebenta ng petrolyo upang hindi ito kapusin lalo’t mahigit 70% ng langis nito ay imported habang alanganin din ang South Korea sa pagbebenta dahil 98% ng langis nito ay imported din, gayundin ang Japan na halos 100% itong nag-iimport at halos maubos na rin ng langis dahil sa giyerang langis at pagsasara ng Strait of Hormuz.
Ang LNG ay imported mula sa United States at Japan at bagamat hindi pa apektado sa suplay, nadoble na rin ang presyo nito dahil sa oil war.
Kaugnay ng lahat ng ito, iniulat na aabot sa limang taon ang pagtatayo ng mga bagong pasilidad o pag-repair sa mga nasirang balon at refinery ng mga krudo at LNG sa Qatar, Saudi Arabia, Iran at iba pa.
Ano-ano na nga ba ang ginagawa ng gobyerno sa posibleng limang taong krisis sa langis?






