MANILA, Philippines – Isinusulong sa Senado ang paglikha ng Department of Fisheries and Aquatic Resources (DFAR) upang tugunan ang pagbaba ng produksyon ng isda at palakasin ang sektor ng pangingisda.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 417, nais ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na ihiwalay ang BFAR mula sa Department of Agriculture at gawing pangunahing ahensya ang DFAR sa pamamahala ng yamang-dagat.
Ayon sa datos, nawawalan ang bansa ng tinatayang 45,472 metric tons ng isda kada taon, habang nabawasan din ang workforce ng BFAR ng 28 porsiyento mula 2017 hanggang 2023.
Nananatili ring kabilang sa pinakamahihirap na sektor ang mga mangingisda sa bansa.
Dahil dito, iginiit ni Cayetano ang pangangailangan ng reporma sa istruktura ng pamahalaan para sa sektor.
“The Philippines, being an archipelago with very rich marine resources, can be a marine powerhouse. Thus, it is logical to establish a Department that is focused and accountable for the development, management, and conservation of our country’s aquatic resources and fishing industries,” ayon sa explanatory note.
Aniya, mas nakatuon ang DA sa land-based farming kaya kinakailangan ng hiwalay na ahensya para sa pangingisda.
“It is time that the government provides for a focused, specialised department responsive to the needs and concerns of the fisheries and aquatic resource industry,” wika niya.
Layunin din ng panukala na paigtingin ang laban sa illegal fishing at pag-isahin ang mga tungkulin ng iba’t ibang ahensya upang mapabilis ang serbisyo.
“This will be a significant step in order to better protect, utilize, maximize, and conserve the nation’s marine resources as well as uphold the best interest of the fisherfolk,” ani Cayetano. Ernie Reyes