Home HOME BANNER STORY Trump, ipinagpaliban planong pag-atake sa power grid ng Iran; ‘very good and...

Trump, ipinagpaliban planong pag-atake sa power grid ng Iran; ‘very good and productive’ talks, itinanggi ng Tehran

186
0

WASHINGTON/JERUSALEM/TEL AVIV — Inanunsiyo ni Donald Trump nitong Lunes na ipinagpaliban niya ng limang araw ang planong pag-atake ng Estados Unidos sa mga planta ng kuryente ng Iran matapos umano ang “very good and productive” na pag-uusap sa mga opisyal ng Iran para sa isang “complete and total resolution of hostilities in the Middle East.”

Inilabas ni Trump ang pahayag sa kanyang Truth Social platform ilang oras bago ang itinakdang deadline para muling ganap na buksan ng Iran ang Strait of Hormuz sa pandaigdigang paglalayag. Nauna niyang binalaan ang Iran na sisirain ang mga power plant nito kung hindi ito susunod.

Ngunit itinanggi ng Iran na may naganap na negosasyon sa United States.

“No negotiations have been held with the U.S., and fake news is used to manipulate the financial and oil markets and escape the quagmire in which the US and Israel are trapped,” ayon kay Mohammad Baqer Qalibaf, speaker ng parliament ng Iran.

Sinabi ng mga opisyal sa Europa na walang direktang usapan sa pagitan ng dalawang bansa ngunit may mga bansang tulad ng Egypt, Pakistan at ilang estado sa Gulf na nagiging tagapamagitan sa pagpapasa ng mensahe sa magkabilang panig. Ayon sa isang opisyal ng Pakistan, posibleng magsagawa ng direktang negosasyon sa Islamabad ngayong linggo.

Sinabi rin ni Trump na ang kanyang special envoy na si Steve Witkoff at ang kanyang manugang na si Jared Kushner ay nakipag-usap sa isang mataas na opisyal ng Iran.

“We have had very, very strong talks. We’ll see where they lead. We have major points of agreement, I would say, almost all points of agreement,” ani Trump.

Samantala, nagbanta ang Islamic Revolutionary Guard Corps ng Iran ng paghihiganti at sinabing naglunsad ito ng panibagong pag-atake sa mga target ng US at mga lungsod sa Israel, kabilang ang Tel Aviv at Dimona. Iniulat din ng militar ng Israel na may mga missile na pinakawalan mula Iran at may narinig na interception blast malapit sa Jerusalem.

Sinabi naman ni Benjamin Netanyahu na nakausap niya si Trump at magpapatuloy ang Israel sa mga pag-atake laban sa mga target sa Iran at Lebanon habang tinitingnan ang posibilidad ng isang kasunduan.

Mahigit 2,000 katao na ang nasawi sa digmaang inilunsad ng Estados Unidos at Israel noong Pebrero 28. Apektado rin ang pandaigdigang merkado ng enerhiya matapos isara ng Iran ang Strait of Hormuz, na dinaraanan ng halos ikalimang bahagi ng suplay ng langis at liquefied natural gas sa mundo.

Bumaba ang presyo ng langis matapos ang anunsiyo ni Trump, na binaligtad ang naunang pagtaas dulot ng pangamba sa paglala ng pag-atake sa imprastraktura ng enerhiya sa Gulf. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here