MANILA, Philippines — Dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga ang naaresto matapos makumpiskahan ng tinatayang P3.4 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Indanan, Sulu nitong Lunes ng gabi, Marso 23.
Kinilala ni Lt. Col. Francis Briones, hepe ng Indanan Municipal Police, ang mga suspek na sina alyas “Jul,” 36, at “Mors,” 21, kapwa residente ng Barangay Bud Seit, Panamao, Sulu.
Ayon sa ulat, naganap ang operasyon bandang 9:40 ng gabi sa Barangay Buansa, kung saan nakabili ang isang poseur buyer ng ilegal na droga mula sa mga suspek.
Nakumpiska sa kanila ang humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa 10 heat-sealed plastic sachets, apat na bundle ng boodle money, isang cellphone, at isang motorsiklo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos ang serye ng surveillance sa umano’y ilegal na aktibidad ng mga suspek.
Samantala, anim pang katao ang naaresto sa Patikul, Sulu matapos mabuwag ang isang drug den kasunod ng sagupaan noong Linggo.
Kinilala ng PDEA ang mga naaresto sa mga alyas na Kabir (itinuturong maintainer ng drug den), Tawil, Al, Asgal, Organi, at Ben.
Ayon sa awtoridad, nagpaputok ang umano’y financier ng drug den na si “Aljon” bago nakatakas.
Nasamsam sa lugar ang 10 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P68,000, digital weighing scale, cellphone, at iba pang drug paraphernalia.
Pinangunahan ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng PDEA-Sulu, pulisya, at 35th Infantry Battalion. RNT/JGC