Home NATIONWIDE Paggamit ng kuryente sa bayan sa Quezon lilimitahan sa limitadong fuel supply

Paggamit ng kuryente sa bayan sa Quezon lilimitahan sa limitadong fuel supply

217
0

MANILA, Philippines — Nilimitahan ang paggamit ng kuryente sa Jomalig, Quezon matapos makaranas ng kakulangan sa fuel supply bunsod ng patuloy na krisis sa langis na may kaugnayan sa tensyon sa Middle East.

Sa abiso ng lokal na pamahalaan, ipatutupad ang power interruption mula Marso 24 hanggang 29, kung saan mawawalan ng kuryente araw-araw mula 5 a.m. hanggang 1 p.m.

“Pansamantala lamang ang hakbang na ito upang mapangasiwaan ang kasalukuyang kondisyon ng suplay ng kuryente habang naghihintay ng update mula sa Napocor,” ayon sa LGU ng Jomalig.

Pinayuhan ang mga residente na maghanda at magtipid sa paggamit ng kuryente habang umiiral ang naturang iskedyul.

Napagkasunduan ang hakbang sa isang pulong na pinangunahan ni Mayor Dahlia Manalo, kasama ang mga kinatawan mula sa disaster management office, local peace and order council, at National Power Corporation (Napocor).

Ang Jomalig ang itinuturing na pinakamaliit at pinaka-liblib na bayan sa Quezon, na matatagpuan sa silangan ng Polillo Island at nakaharap sa Pacific Ocean.

Samantala, nauna nang nakaranas ng limitadong oras ng kuryente ang bayan ng Patnanungan simula Marso 22 dahil din sa kakulangan ng fuel.

Sa kasalukuyan, tumatakbo lamang ang kanilang power plant ng 16 oras kada araw mula 4 p.m. hanggang 8 a.m. kinabukasan upang makatipid sa natitirang suplay habang hinihintay ang panibagong delivery mula sa pantalan ng Real, Quezon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here