Home NATIONWIDE P1B halaga ng iligal na vape nasabat sa Navotas

P1B halaga ng iligal na vape nasabat sa Navotas

117
0

MANILA, Philippines – AABOT sa humigit-kumulang ₱1 bilyon halaga ng umano’y iligal at hindi rehistradong vape products ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon sa Navotas City noong Marso 21, 2026.

Batay sa ulat, nasa 3,174 master boxes ng electronic cigarettes at vape products ang nakumpiska sa naturang pagsalakay—isa sa pinakamalaking huli ng ahensya ngayong taon.

Ayon sa BOC, nagsimula ang operasyon mula sa impormasyong nakuha ng Customs Intelligence and Investigation Service–Manila International Container Port (CIIS-MICP) hinggil sa umano’y pagtatago ng mga vape product na hindi sumusunod sa umiiral na regulasyon. Isinailalim ito sa surveillance na kalaunan ay nagbunsod sa paglabas ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order.

Pinangunahan ng pinagsanib na puwersa mula sa CIIS-MICP, Enforcement and Security Service-MICP, Formal Entry Division, at Legal Service–Revenue Collection Monitoring Group ang operasyon, katuwang ang Philippine Coast Guard, lokal na pulisya, at mga opisyal ng barangay.

Sa pagpasok sa bodega, nadiskubre ng mga awtoridad ang malaking dami ng vape products at kaugnay na kagamitan na pinaniniwalaang mali ang deklarasyon at iligal na ipinasok sa bansa.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na ang mga nasabing produkto ay walang rehistro at kulang sa kinakailangang Philippine Standard (PS) License o Import Commodity Clearance (ICC), na paglabag sa Republic Act No. 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.

Saklaw din umano ang mga ito ng suspension order ng Department of Trade and Industry laban sa ilang brand.

Binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na ang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na kalakalan at protektahan ang mamimili.

Inatasan ang mga kinatawan ng bodega na magsumite ng mga kaukulang dokumento sa loob ng 15 araw upang patunayan ang pagsunod sa regulasyon. Kung mabibigong makapagpakita, isasailalim sa forfeiture ang mga produkto at maaaring sampahan ng kaukulang kaso ang mga responsable.

Iginiit ng BOC na patuloy nitong paiigtingin ang kampanya laban sa pagpasok ng mga hindi rehistradong vape products sa bansa, na umano’y lumalampas sa safety checks, tamang labeling, at beripikasyon ng sangkap na maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan ng publiko. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here