MANILA, Philippines – AABOT sa humigit-kumulang ₱1 bilyon halaga ng umano’y iligal at hindi rehistradong vape products ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon sa Navotas City noong Marso 21, 2026.
Batay sa ulat, nasa 3,174 master boxes ng electronic cigarettes at vape products ang nakumpiska sa naturang pagsalakay—isa sa pinakamalaking huli ng ahensya ngayong taon.
Ayon sa BOC, nagsimula ang operasyon mula sa impormasyong nakuha ng Customs Intelligence and Investigation Service–Manila International Container Port (CIIS-MICP) hinggil sa umano’y pagtatago ng mga vape product na hindi sumusunod sa umiiral na regulasyon. Isinailalim ito sa surveillance na kalaunan ay nagbunsod sa paglabas ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order.







