IRAN – Muling naglunsad ang Iran ng sunod-sunod na missile attacks laban sa Israel, habang itinanggi nito ang pahayag ni US President Donald Trump na may naganap na “productive talks” sa pagitan ng dalawang panig.
Ayon sa Israeli military, tumunog ang air raid sirens sa ilang bahagi ng Israel, kabilang ang Tel Aviv, kasabay ng pagharang sa mga paparating na missile. Ilang bahay sa hilagang bahagi ng bansa ang napinsala dahil sa debris, ngunit wala namang naiulat na nasawi.
Nauna rito, sinabi ni Trump sa kanyang social media na nagkaroon umano ng “very good and productive” na pag-uusap ang US at Iran para sa posibleng resolusyon ng tensyon sa Middle East.
Dahil dito, ipinagpaliban umano niya ng limang araw ang planong pag-atake sa power grid ng Iran, na agad nakaapekto sa global markets—tumaas ang stocks at bumaba ang presyo ng langis.
Subalit mariing pinabulaanan ito ng Iran. Ayon kay Iranian Parliament Speaker Mohammad Baqer Qalibaf, walang naganap na negosasyon.
“No negotiations have been held with the US, and fake news is used to manipulate the financial and oil markets,” aniya.
Tinawag din ng Iran Revolutionary Guards (IRGC) ang pahayag ni Trump bilang “psychological operations” at iginiit na magpapatuloy ang kanilang opensiba.
Sa gitna ng magkakasalungat na pahayag, nananatiling hindi matatag ang sitwasyon sa pandaigdigang merkado, lalo na sa langis.
Tumaas muli ang presyo ng Brent crude sa $104.21 kada bariles, habang umakyat din ang US crude sa $91.93, matapos ang naunang pagbaba.
Ayon sa mga analyst, nananatiling “fragile” o madaling sumiklab ang sitwasyon, habang patuloy na binabantayan ang galaw ng Iran at Estados Unidos sa lumalalang sigalot. RNT/JGC