MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa kumakalat na pekeng online applications at text messages na nag-aalok umano ng fuel assistance gamit ang pangalan ng ahensya.
Sa advisory, iginiit ng DSWD na hindi totoo ang mga mensaheng nagsasabing maaaring mag-apply online para sa fuel aid.
“Hindi totoo ang kumakalat na text message na nag-aalok ng ‘fuel assistance’ gamit ang pangalan ng DSWD,” ayon sa ahensya.
Binigyang-diin ng DSWD na may ilang indibidwal na sinasamantala ang pamamahagi ng cash assistance sa mga driver ng pampublikong transportasyon upang makakuha ng personal na impormasyon mula sa mga biktima.
“Mahigpit na paalala: Walang ipinapadalang online application o link ang DSWD para sa anumang tulong-pinansyal. Ginagawa ito para maiwasan ang panlilinlang at maprotektahan ang publiko,” dagdag nito.
Ayon sa ahensya, may kalakip na link ang mga scam message na nagsasabing kwalipikado ang tumanggap para sa P3,000 e-fuel voucher.
Nilinaw ng DSWD na ang pamamahagi ng fuel assistance ay ginagawa nang personal at batay sa listahan na isinumite at bineripika ng mga local government units (LGUs), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at transport network companies (TNCs).
Hinimok nito ang publiko na huwag i-click ang mga kahina-hinalang link at huwag magbahagi ng personal na impormasyon.
“Kung makatanggap ng ganitong mensahe, siguraduhing huwag i-click ang anumang link at huwag magbahagi ng inyong personal na impormasyon para hindi mabiktima ng SCAM,” paalala ng ahensya. Santi Celario