MANILA, Philippines — Nakaalerto ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mag-deploy ng libreng shuttle services sa gitna ng planong transport strike sa Marso 26 at 27 sakaling magkaroon ng stranded na mga commuter.
Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, handa ang ahensya na gamitin ang kanilang mga asset upang matulungan ang mga pasahero, ngunit hangga’t maaari ay nais nilang hindi makialam kung hindi kinakailangan.
“Kung ano man ang magiging adverse [effect], like magkaroon ng stranded commuters, we are ready actually to deploy yung mga assets natin para matulungan yung ating mga kababayan,” ani Torre.
“Pero as much as possible, ayaw nating mag-intervene, gusto lang nating mapakinggan kung ano yung hinaing ng mga kababayan natin. Pero at the same time, ayaw din nating mawalan ng hanapbuhay at makipagkumpitensiya sa mga hindi sumasali sa mga kilusan na yan,” dagdag niya.
Kasabay nito, naghahanda rin ang MMDA para sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero palabas ng Metro Manila sa darating na Holy Week.
Ayon kay Torre, bumaba ng humigit-kumulang 5 hanggang 7 porsyento, o katumbas ng 20,000 hanggang 30,000 sasakyan kada araw, ang dami ng mga sasakyang bumibiyahe sa mga pangunahing kalsada tulad ng EDSA nitong mga nakaraang araw dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.
“Yung reduction kasi na sinabi natin ng mga sasakyan na nagpa-ply sa ating mga kalsada specifically EDSA…ang nakikita natin is 5 percent to 7 percent reduction lang. It’s around 20, 000 to 30,000 vehicles per day…that was on Monday last week to Wednesday,” aniya.
Gayunman, muling nakaranas ng pagsisikip ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada nitong Martes, na kasalukuyang inaalam ng MMDA ang sanhi.
Ipinagdiinan din ng ahensya ang pagsusulong ng alternatibong paraan ng transportasyon tulad ng tren, EDSA bus carousel, pagbibisikleta, at paglalakad.
“Yung mga naka-kotse, subukan muna nila yung improvements – yung ating trains, carousel. Bikes, walking ay pino-promote ng ating presidente,” ani Torre. Santi Celario