MANILA, Philippines — Nagbabala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes na posibleng magkaroon ng grounding ng mga eroplano dahil sa kakulangan ng jet fuel kaugnay ng krisis sa Middle East.
Sa panayam ng Bloomberg, sinabi ni Marcos na ang limitadong suplay ng crude oil at mas mabagal na produksyon ng jet fuel ang pangunahing dahilan ng pangamba sa operasyon ng mga airline.
“With a scarcity, shall we say, the limitation now on crude supply, the refining of jet fuel takes a longer time. And so, we will have to depend on what is already readily available,” aniya.
Binanggit din niya na may ilang bansa na nagpatupad ng restriksyon sa pag-refuel ng mga dayuhang eroplano, kaya napipilitang magdala ng sapat na gasolina ang mga airline para sa papunta at pabalik na biyahe.
“When our airlines fly out, several countries have said we cannot fuel your aircraft. So, you will have to carry the fuel there and back. And that’s around here. And the long haul is going to be a much more serious problem,” ani Marcos.
Nang tanungin kung posibleng ma-ground ang mga eroplano, sinabi ng Pangulo na umaasa silang hindi ito mangyari ngunit kinilala ang posibilidad.
“We’re hoping not, but it’s a possibility. It’s a distinct possibility,” aniya.
Sa kabila nito, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na sapat pa ang suplay ng langis sa bansa hanggang ikalawang linggo ng Mayo, na may average na 45 araw na imbentaryo.
Ayon sa kanya, may natitirang suplay na 53.14 araw para sa gasolina, 45.82 araw para sa diesel, 97.93 araw para sa kerosene, 38.62 araw para sa jet fuel, 61.49 araw para sa fuel oil, at 23.51 araw para sa liquefied petroleum gas.
Dagdag ni Garin, nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga bansang pinagkukunan ng suplay tulad ng South Korea, Japan, at China. RNT