MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Customs (BOC) na natapos na ang paghahatid ng lahat ng abandonadong balikbayan box sa Port of Manila at Port of Davao, habang umabot na sa 25,818 kahon ang naipamahagi sa buong bansa.
Sa pinakahuling distribusyon na isinagawa sa Port of Cebu noong Marso 24, sinabi ng DOF at BOC na malaking hakbang ito sa patuloy na operasyon ng pamahalaan upang maihatid ang mga padalang iniwan ng ilang freight forwarders.
Nabatid na ang operasyon ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang pag-release at delivery ng mga abandonadong balikbayan box sa iba’t ibang pantalan.
Binigyang-diin ni DOF Secretary Frederick D. Go na patuloy ang pagtutulungan ng pamahalaan upang maibalik ang mga padala sa kanilang mga benepisyaryo.
“Hindi natin hahayaan na maloko ang ating mga OFW. Sisiguraduhin ng gobyerno na protektado ang kanilang pinaghirapang padala,” ani Go.
Dagdag pa niya, mananagot ang mga sangkot sa pang-aabuso at patuloy ang koordinasyon ng DOF, BOC, at iba pang ahensya upang mapabilis ang distribusyon.
Samantala, sinabi ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na prayoridad ng ahensya ang agarang paghahatid ng natitirang mga kahon.
Aniya, ang pagkumpleto ng deliveries sa Port of Manila at Port of Davao ay patunay na maayos ang takbo ng malawakang operasyon. Tinututukan na ngayon ng BOC ang Manila International Container Port (MICP) at Port of Cebu para sa natitirang deliveries.
Batay sa datos ng BOC, 13,842 kahon ang naideliver sa Cebu, 8,475 sa MICP, 2,699 sa Subic, 732 sa Davao, at 70 sa Port of Manila.
May natitira pang 15,084 kahon na nakatakdang ihatid, kung saan karamihan ay mula sa MICP (14,487) at ang iba ay nasa Cebu (498).
Ang distribusyon sa Cebu ang nagsilbing huling yugto ng paghahatid ng mga kahong naabandona sa naturang pantalan, kung saan pinangunahan nina Go at Nepomuceno ang pamamahagi sa 30 OFWs at kanilang mga pamilya.
Samantala, nakaramdam ng ginhawa ang ilang benepisyaryo matapos matanggap ang kanilang mga matagal nang hinihintay na padala.
Tiniyak ng DOF at BOC na magpapatuloy ang distribusyon at mahigpit na imo-monitor ang natitirang deliveries. Pinayuhan din ang publiko, lalo na ang mga OFW, na gumamit lamang ng lehitimong freight forwarding companies upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Nangako naman ang pamahalaan na hindi titigil ang operasyon hanggang maihatid ang lahat ng natitirang balikbayan box sa kanilang mga benepisyaryo. JAY Reyes