MANILA, Philippines – Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigit 16,000 overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng kaguluhan sa Middle East ang nabigyan na ng tulong ng pamahalaan, habang nagpapatuloy ang repatriation efforts.
Sa kanyang talumpati sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na higit 2,000 OFWs na ang nakauwi sa bansa.
“And we will continue to do this until the war ends or until we have repatriated all of our nationals back home here to the Philippines,” aniya.
Ayon sa Pangulo, agad nakipag-ugnayan ang Pilipinas sa mga host country sa Middle East upang matiyak ang kaligtasan ng mga OFW. Gayunman, kinumpirma niya na isang Filipina caregiver sa Israel ang nasawi matapos madamay sa pambobomba habang inaalagaan ang kanyang pasyente.
Hinimok ni Marcos ang mga OFW na huwag umalis sa conflict areas nang mag-isa at makipag-ugnayan sa awtoridad para sa ligtas na paglikas.
“And since the time that we have set up the systems for repatriation, nakauwi na ang mahigit 2,000 OFWs,” dagdag niya.
Kabilang sa tulong ng gobyerno ang pagkain, tirahan, serbisyong medikal, transportasyon, at pinansyal na ayuda para sa mga OFW sa loob at labas ng bansa.
Apat na chartered flights na ang inilunsad ng pamahalaan, at may mga karagdagang biyahe pang inaayos. Plano ring dagdagan ang flights mula isang beses kada linggo hanggang dalawang beses, depende sa pahintulot ng mga lokal na awtoridad.
Ipinaliwanag din ng Pangulo na pinagsasama-sama muna ang mga OFW sa isang lugar bago ihatid pauwi upang masiguro ang kaligtasan.
Nagbabala rin siya laban sa hindi koordinadong pagbiyahe: “At sila naman ay dahan-dahan ay ginagawa namin ng paraan upang umuwi. Ang mahirap ay ang pag-charter ng eroplano at saka ang paglipat kahit ‘yung by land. Noong araw, sinabi ko sa kanila huwag kayong basta’t magsasarili,” aniya.
“Dahil kung mag-convoy kayo, ‘pag nasa 10,000 feet ‘yung aeroplano, hindi nila malaman kung ‘yun ba ay mga militar o ‘yun ba ay sibilyan. Baka magka-problema, magka-misencounter kung tawagin.” (KRIS JOSE)