MANILA, Philippines – Sinabi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ipinagpapatuloy nito ang decongestion efforts, maagang procurement ng mga gamot at kagamitan, at iba pang hakbang pangkalusugan upang matugunan ang matinding init ngayong tag-init at mapigilan ang pagkalat ng sakit sa mga pasilidad nito.
“Kaakibat po niyan ay nagkaroon nang early procurement ng medicines, equipment at fortunately pagtaas ng budget na pagtugon sa kalusugan ng ating mga Persons Deprived of Liberty. Ganundin po, tuluy-tuloy pa rin po ang decongestion program natin, nagpapatayo ng mga bago, moderno at maluluwag na facilities,” pahayag ni BJMP spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera sa “Bagong Pilipinas Ngayon.”
Ayon kay Bustinera, bumuti na ang congestion rate sa mga pasilidad ng BJMP sa 294% mula sa 327% noong nakaraang taon. Aniya, nakapagpatayo na rin ng mga bagong pasilidad sa New Quezon City Jail, Camp Bagong Diwa, Mandaluyong City Jail, at Marawi City Jail.
Bukod sa bentilasyon, sinabi niyang may access din sa potable water ang mga persons deprived of liberty. Sakaling magkaroon ng water interruption, nakikipag-ugnayan ang BJMP sa Bureau of Fire Protection para sa contingency water supply.
“At kung sakali man pong may water interruption, may pakikipag-ugnayan po ang BJMP sa Bureau of Fire Protection which is under also the DILG… na magsu-supply sila as a contingency sa mga water interruption sa jail,” ani Bustinera.
Mino-monitor din ng BJMP ang posibleng mga kaso ng carbuncle o pigsa sa mga persons deprived of liberty matapos makapagtala ng mahigit 600 kaso noong nakaraang taon.
“Ito po iyong carbuncle or boil na tawag o sa Tagalog ay pigsa. Ito po iyong pinakamarami naming datos, nasa 600-plus PDL ito last year. And dahil nga po iyon ang datos, ito iyong pinaghahandaan naman namin this year,” ayon kay Bustinera.
Idinagdag niya na tinutugunan din ang iba pang medical condition gaya ng high blood pressure dahil nakahanda na ang mga gamot at intervention ng ahensya.
“May mga other related medical diseases din po katulad ng high blood pressure sa ating mga PDL na natugunan naman na po ito dahil naka-prepare na po ang mga gamot at mga intervention naman natin,” dagdag niya.
Sinabi rin ng BJMP na itinaas nito ang hazard pay ng mga uniformed personnel nito ngayong mainit na panahon dahil hindi maaaring basta bawasan ang oras ng trabaho ng mga nasa frontline. Ayon kay Bustinera, in-adjust din ang subsistence allowance at iba pang subsidy, at pinayagan ang jail personnel na magsuot ng mas preskong damit gaya ng polo shirt habang nasa duty.
“For our personnel po kasi on the frontline, hindi namin sila puwedeng basta lang i-curtail ang kanilang work hours. What we did is of course adjustment of their salaries through the subsistence allowance; hazard pay nag-increase din po tayo katulad ng iba and among other subsidies po na binibigay naman ng BJMP,” sabi ni Bustinera.
“At pagdating ngayong summer ay allowed na po sila, una, iyong mas mapreskong damit, ito iyong polo shirt na puwede nilang suotin, part of our uniform, during their duties,” dagdag niya. Dave Baluyot