Home NATIONWIDE Halos kalahating milyong pamilya, madadagdag sa 4Ps beneficiaries

Halos kalahating milyong pamilya, madadagdag sa 4Ps beneficiaries

168
0

MANILA, Philippines – Magpaparehistro ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng nasa 493,000 pamilya mula sa mahihirap na kabahayan na nakalista sa 2026 Community-Based Monitoring System bilang mga bagong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, matapos ang mahigpit na validation at verification process.

Ayon sa DSWD, ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang matiyak na ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino ay nakatatanggap ng angkop na ayuda mula sa pamahalaan.

Nakatakda umanong simulan ang registration process ngayong Marso matapos matanggap ng ahensya mula sa Philippine Statistics Authority ang opisyal na nationwide list ng mga poor at near-poor families mula sa CBMS.

“This is good news for all the qualified families who also seek to be included in 4Ps to help them in the health and education of their children, as well in their daily expenses. We are also grateful to PSA for the CBMS list of poor and near-poor. This will be our basis in targeting new beneficiaries of the program,” pahayag ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.

Sinabi ng DSWD na ang paggamit ng CBMS bilang standardized targeting system sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ng 4Ps ay bahagi ng pagtupad nito sa Republic Act No. 11315 o Community-Based Monitoring System Act, na naglalayong magkaroon ng iisang data-driven at transparent na mekanismo sa pagpili ng mahihirap na kabahayan.

Gayunman, dadaan pa rin ang lahat ng pamilyang kasama sa bagong listahan sa tatlong yugto ng proseso: pre-registration, registration proper, at post-registration.

Sa pre-registration phase, ipapaskil ng mga barangay sa loob ng 15 araw ang listahan ng mga prospective beneficiary upang maiwasan ang duplication, matiyak ang eligibility, at mapatunayan ang accuracy at existence ng mga nakalistang pamilya. Gagamitin din ang Philippine Identification System o National ID para ma-authenticate ang pagkakakilanlan ng target beneficiary, habang magsasagawa naman ng assessment ang mga social worker upang matiyak ang pagiging karapat-dapat ng bawat pamilya.

“The names from the CBMS are still not considered as the final list of new 4Ps beneficiaries. Of course, we still need to assess and verify the status of these families with the help of our social workers,” ani Dumlao.

Sa ngayon, sinimulan na ng DSWD Field Office IV-A sa Calabarzon ang validation sa nasa 11,000 pamilya bilang mga posibleng benepisyaryo. Samantala, nagsimula na rin ang Field Office 12 sa Soccsksargen sa pamamahagi ng listahan ng mga posibleng benepisyaryo sa mga local chief executive para sa validation, katuwang ang 4Ps city at municipal operations offices. Nagsimula na rin ang iba pang rehiyon sa kani-kanilang validation process.

Kapag napatunayang kwalipikado at nairehistro, sasailalim ang mga bagong benepisyaryo sa orientation upang malaman ang kanilang mga responsibilidad at benepisyong matatanggap sa ilalim ng programa, at lalagda rin sila sa oath of commitment bilang pagtiyak sa kanilang pag-unawa sa mga kondisyon ng programa at sa tapat na pagbubunyag ng impormasyon.

Sa post-registration phase, aabisuhan ang mga bagong benepisyaryo ng kanilang municipal o city links hinggil sa mga susunod na hakbang, kabilang ang pagbubukas ng payroll accounts at iba pang mahahalagang anunsyo.

Ayon sa DSWD, ang pagdagdag ng mga bagong kwalipikadong pamilya ay magbibigay-daan upang maipagpatuloy ng 4Ps ang pagtulong sa mga higit na nangangailangan habang mas marami namang benepisyaryo ang inaasahang magtatapos sa programa ngayong taon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here