MANILA, Philippines – Inilunsad ng pamahalaan ang nationwide one-stop job fairs sa mga paaralan upang matulungan ang mga graduate ng senior high school at Alternative Learning System na mas mabilis makahanap ng trabaho habang nababawasan ang gastos sa pag-a-apply.
Ayon sa Department of Education at Department of Labor and Employment, ipatutupad ang pinalawak na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa hindi bababa sa dalawang paaralan kada rehiyon, kung saan pagsasamahin sa iisang lugar ang mga employer at mga serbisyong pang-gobyerno.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na layunin ng inisyatiba na mapagaan ang gastusin at abala ng mga first-time job seeker. “Hindi na kailangang gumastos at pumunta pa sa iba’t ibang tanggapan upang makuha ang mga dokumentong kailangan para makapaghanapbuhay,” ani Angara sa paglulunsad ng programa sa Batasan Hills National High School sa Quezon City.
Sa ilalim ng programa, maaaring mag-apply ng trabaho ang mga aplikante at maiproseso rin agad sa lugar ang mahahalagang pre-employment requirement gaya ng police at NBI clearances, PhilHealth registration, at iba pang dokumento. Ayon sa DepEd, inaalis nito ang pangangailangang magpunta sa iba’t ibang tanggapan at nakatutulong ito upang makatipid sa oras at gastos, lalo na sa mga estudyanteng kailangan pang bumiyahe.
Nagbunga na rin ng agarang employment result ang unang pagpapatupad ng programa. Sa siyam na pilot school sa Metro Manila at piling lalawigan, nasa 300 learner ang na-hire on the spot habang 1,428 benepisyaryo ang nakakuha ng libreng government services. Sa Quezon City launch lamang, nasa 600 learner ang lumahok at mahigit 20 pribadong kumpanya ang nagsagawa ng recruitment activities.
“May mga na-hire on the spot kahit hindi pa gumagraduate. So malaki ang pag-asa makakuha ng trabaho,” dagdag ni Angara sa hiwalay na panayam.
Ayon naman kay DOLE Undersecretary Carmela Torres, nakatutulong ang programa upang mapunan ang agwat sa pagitan ng edukasyon at trabaho sa pamamagitan ng direktang pagdadala ng mga employer sa mga paaralan.
“Through this partnership, we are bridging the gap between academic preparation and the realities of the labor market,” ani Torres.
Sinabi ng DepEd na bahagi ang nationwide rollout ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang ilapit ang serbisyo sa mga komunidad at palawakin ang oportunidad sa trabaho para sa kabataang Pilipino. Santi Celario