MANILA, Philippines – Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko laban sa “staycation scam” ngayong vacation season, kung saan may mga nagpapanggap na third-party agent na nag-aalok ng napakamurang o kahit hindi umiiral na accommodation online.
Karaniwang gumagamit ang mga scammer ng pekeng pagkakakilanlan at nawawala na matapos matanggap ang bayad.
Karaniwan ding ipinapakita sa mga post ang malalaking kuwarto at magagandang tanawin upang mahikayat ang mga biktima na mag-book sa mababang halaga.
Ayon sa CICC, umabot na sa 2,820 ang naitalang report ng staycation scam sa unang quarter pa lamang ng 2026, bukod pa sa hindi bababa sa 6,462 insidente na naiulat noong 2025.
Hinimok ni CICC executive director Aboy Paraiso ang publiko na ireport ang kahalintulad na insidente sa hotline ng ahensiya na 1326. Sinabi rin niyang magbubukas ang CICC ng action center sa Abril para tumulong sa mga nabiktima ng scam.
Ayon pa sa ahensiya, may posibilidad pang mabawi ng mga biktima ang kanilang pera sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga financial institution at bangko. Pinayuhan din nito ang publiko na bantayan ang mga red flag gaya ng agent na minamadali ang bayad, hindi makapagbigay ng patunay na lehitimo ang alok, o sobrang baba ng presyo.
Pinayuhan ng CICC ang publiko na mag-book lamang sa mga kilalang booking platform upang makaiwas sa scam. Santi Celario