Home NATIONWIDE 5 mega hatchery itatayo para sa food security – DA

5 mega hatchery itatayo para sa food security – DA

140
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na palalakasin ng gobyerno ang aquaculture at magtatayo ng limang mega hatchery sa bansa upang makatulong sa food security at makabawi ang mga dagat na labis nang napangingisdaan.

Ayon kay Laurel, itatayo ang mga hatchery sa Camarines Sur, Sorsogon, Quezon, Zamboanga Sibugay, at Pangasinan.

“The reality is our oceans are already depleted. They need time to rest,” pahayag niya sa mga mamamahayag.

Binigyang-diin niya ang pangangailangang bawasan ang pangingisda upang makabawi ang dami ng isda sa dagat.

Aniya, ang proyektong ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang aquaculture bilang mas napapanatiling pinagkukunan ng pagkain.

Bawat pasilidad ay inaasahang sasaklaw ng humigit-kumulang 40 ektarya at magkakaroon ng laboratoryo, mga palaisdaan, at iba pang pasilidad para sa produksyon ng hipon, hito, bangus, carp, at tilapia.

Magpo-produce at magpapamahagi rin ang mga hatchery ng fingerlings sa mga magsasaka at mangingisda upang hikayatin ang fish farming at mabawasan ang pagdepende sa huli sa dagat.

Target matapos ang proyekto pagsapit ng 2027, na may tinatayang gastos na P50 milyon bawat pasilidad, hindi pa kasama ang lupa.

Sa ngayon, naghahanap na ng pondo ang Department of Agriculture upang masimulan ang konstruksyon ng unang hatchery ngayong taon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here