Home NATIONWIDE Peace process nanganganib sa OPAPRU, pantay na ugnayan sa MILF ibalik

Peace process nanganganib sa OPAPRU, pantay na ugnayan sa MILF ibalik

140
0

COTABATO CITY – Nagbabala si dating BARMM senior adviser Bong Montesa na sinisira ng ilang mga hakbang ng gobyerno ang nabuong pundasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro sa rehiyon.

Sa kanyang kolum, iginiit ni Montesa na tila lumihis ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity sa pagiging facilitator at naging isang sentral na political actor sa rehiyon.

Ayon sa kanya, ang peace agreement ay nakabatay sa isang “core bargain,” kung saan isinantabi ng Moro Islamic Liberation Front ang matagal nitong hangarin para sa kasarinlan kapalit ng tunay na awtonomiya.

Aniya, ang kasunduang ito ay hindi lamang basta nakaaantala sa implementasyon kung hindi unti-unting binabago nito ang mismong diwa ng kasunduan dahil sa mas malalim na pakikialam ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ng OPAPRU.

“I have watched peace processes stall. I have watched timelines slip, budgets returned to the treasury, implementation delayed by bureaucratic inertia and political distraction. Those failures are real. They have costs. But they are correctable,” sabi ni Montesa.

Idiniin din niya ang kalagayan ng mga na-decommission na MILF combatants bilang patunay ng hindi natutupad na mga pangako.

Ayon sa kanya, wala ni isa sa 26,145 mandirigma na nagbaba ng armas ang ganap na nakalipat sa produktibong buhay sibilyan, sa kabila ng pangako ng gobyerno ng komprehensibong socio-economic support packages. Dahil dito, marami ang naiwan na walang sapat na tulong at lalo umanong nabawasan ang tiwala sa peace process.

“These are not statistics. These are men who made a decision that in many communities is tantamount to political suicide. They staked their futures on a promise,” dagdag pa niya.

Ang kakulangan ng progreso sa normalization ay unang binanggit ng MILF noong Hulyo 2025 nang ihinto nito ang decommissioning ng natitirang 14,000 mandirigma. Dahil dito, humigit-kumulang ₱788 milyon na nakalaan para sa proseso ang naibalik sa national treasury.

Inilarawan ni Montesa ang sitwasyon bilang isang breach of trust at hindi lamang karaniwang delay sa implementasyon, at binigyang-diin na ang mga dating mandirigma ay gumawa ng hindi mababaling desisyon dahil sa mga pangako ng gobyerno.

Inilahad din niya ang tatlong pangyayari mula 2025 hanggang unang bahagi ng 2026 na aniya’y nagpapakita ng pattern ng interbensyon.

Noong Marso 2025, itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Abdulraof Macacua bilang interim chief minister ng BARMM, kapalit ng MILF chairman na si Al Haj Murad Ebrahim.

Binanggit ni Montesa ang sinabi ni MILF Vice Chairman Mohagher Iqbal na ang nasabing hakbang ay isang “regime change,” at sinabing binalewala nito ang mga umiiral na bilateral mechanism na dapat sana’y gumagabay sa ganitong mga desisyon, at nagdulot ng pangamba sa posibleng external influence sa isang autonomous na rehiyon.

Samantala, noong Pebrero 2026, sinabi ni Montesa na nagbitiw ang Chairman ng GPH Peace Implementing Panel dahil sa pressure mula sa OPAPRU, dahilan upang ihinto muna ng MILF ang pormal na pakikipag-ugnayan sa peace process.
Ayon sa dating adviser, ipinapakita ng mga pangyayaring ito na lumagpas ang OPAPRU sa inaasahang papel nito bilang facilitator at nakikialam na ito sa mga desisyon sa pamumuno at direksyong politikal sa rehiyon ng Bangsamoro.

Iginiit niya na pinapahina nito ang posisyon ng MILF bilang negotiating partner at sa halip ay nagiging tila kontrolado ng pambansang pamahalaan ang ipinangakong awtonomiya ng rehiyon.

Nanawagan siya na ibalik ang tiwala sa peace process sa pamamagitan ng pagbabalik ng OPAPRU sa neutral nitong papel na magpatupad ng mga obligasyon sa normalization tulad ng socioeconomic support para sa mga dating mandirigma, transitional justice, pagbuwag sa private armed groups, at amnesty, at muling pagpapagana ng bilateral mechanism. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here