Home METRO P1.9M pekeng yosi, sapatos, seasoning, noodles, pabango, nasabat sa Bulacan

P1.9M pekeng yosi, sapatos, seasoning, noodles, pabango, nasabat sa Bulacan

157
0

Bulacan — Arestado ng mga awtoridad ang limang indibiduwal na umano’y nahulihan ng P1,903,580.00 halaga ng kontrabandong sigarilyo at mga pekeng produkto sa bayan ng Plaridel nitong Marso 26.

Sa report ni PLTCOL Restituto Granil, hepe ng Plaridel Police Station, ikinasa nila ang operasyon katuwang ang PIB Bulacan at mga tauhan ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation (PMFTC) bandang alas-10:30 ng gabi sa Sitio Salugan, Purok Santan, Brgy. San Jose.

Ayon sa report, ang operasyon ay nag-ugat sa ulat na nakarating sa istasyon na may nag-iimbak ng peke at hindi binabayarang buwis na sigarilyo sa nasabing lugar.

Dahil sa koordinasyon at beripikasyon ng mga awtoridad kasama ang PMFTC personnel, natuklasan ang maraming kahon ng pekeng sigarilyo rito kaya inaresto ang limang indibiduwal kabilang ang hindi pinangalanang Chinese national na tumatayong tenant.

Kabilang sa nasamsam ang iba’t ibang kahon ng peke at untaxed cigarettes kabilang ang Marlboro at iba pang brand gaya ng Green Commando, Cannon, Mighty, Two Moon, Modern, Green Hill at Delta na nasa halagang P812,500.00.

Narekober din sa operasyon ang pekeng produktong rubber shoes, Knorr broth cubes, sinigang mix, Ajinomoto, Magic Sarap, Buldak noodles at mga pabango na may halagang P1,091,080 kaya umabot sa kabuuang P1,903,580.00.

Sinasabing kasabay ng imbentaryo ay nabigong magpakita ng kaukulang dokumento o patunay na nagbayad ng buwis kaya dinala sa istasyon ang mga suspek na nahaharap sa kaukulang kaso. Dick Mirasol III

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here