Home HOME BANNER STORY Pribadong ospital, posibleng magtaas ng singil; presyo ng gamot, binabantayan ng DOH...

Pribadong ospital, posibleng magtaas ng singil; presyo ng gamot, binabantayan ng DOH dahil sa oil crisis

137
0

MANILA, Philippines – Posibleng magtaas ng humigit-kumulang 5% ang singil ng ilang pribadong ospital sa bansa dahil sa patuloy na epekto ng oil crisis, ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi).

Sinabi ni PHAPi president Dr. Jose Rene De Grano na malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng diesel sa operasyon ng mga ospital, lalo na sa mga generator sets na ginagamit tuwing may brownout.

“Kasi hindi naman minsan natin maiwasan na magkaroon ng brownout, etc. Lahat ng mga gensets na yan are powered by diesel mostly,” aniya.

Dagdag pa niya, apektado rin ang operasyon ng ambulansya at shuttle services ng mga ospital dahil sa mahal na gasolina.

Ayon kay De Grano, bagama’t alam nilang mabigat na ang pasanin ng mga Pilipino, maaaring mapilitan silang magtaas ng presyo dahil sa pagtaas din ng gastos sa imported na gamot at supplies.

Posibleng maramdaman ang pagtaas ng singil sa loob ng isa hanggang dalawang buwan kung magpapatuloy ang sitwasyon.

Ayon sa Department of Health (DOH), wala silang direktang kontrol sa hospital fees ngunit dapat malinaw na ipaliwanag ang anumang pagtaas, kabilang ang kung paano ito kinompyut.

Sinabi rin ng DOH na sa ngayon ay wala pang nakikitang pagbabago sa pagpunta ng publiko sa mga ospital, ngunit posibleng dumami ang magtungo sa government hospitals kung magpapatuloy ang krisis.

Samantala, mahigpit na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang presyo ng mga gamot sa gitna ng krisis sa langis.

Pero ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo may iba pang hakbang tulad ng inventory checks at contingency planning, lalo na sa mga ospital ng DOH, upang masigurong hindi maantala ang suplay ng gamot at medical supplies,

Nauna nang sinabi ng DOH na binabantayan nila ang presyo ng gamot at medical supplies matapos ipahayag ng isang ekonomista na maaaring maapektuhan ang healthcare community dahil sa krisis sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Domingo, dapat tiyakin ng PhilHealth na makakasabay ito sa inaasahang demand.

Hinikayat din niya ang publiko na unawain kung paano binubuo at kinakalkula ang mga bayarin sa pribadong ospital kaugnay ng pagtaas ng presyo dulot ng inflation.

Panahon na rin aniya para i-unbundle o i-breakdown ang mga bayarin ng ospital at health facilities.

“Huwag lang sabihin ang room rate – magkano ang singil sa kuryente? Sa gasolina/diesel? Sa sweldo ng mga nurse? Para makita kung talagang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis ang serbisyo sa kalusugan. Mahirap agad magbigay ng porsyento tulad ng 5, 4, 3, 2, o 1% – paano ito kinalkula?” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Domingo, maiintindihan ng tao kung malinaw at nakabreakdown ang bayarin at kahit ang DOH sa pamamagitan ng Zero Balance Billing at PhilHealth gamit ang tamang benepisyo ay maaaring makatulong. RNT/MND  Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here