MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Malakanyang ang posibleng “energy lockdown” habang patuloy na sumisirit ang presyo ng langis mula nang sumiklab ang labanan sa Gitnang Silangan.
“Sa ngayon po, as we speak, wala po tayong nakikita,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa katunayan din aniya, nagpalabas na ang Department of Energy (DOE) ng guidelines para payagan ang paggamit ng murang fuel at mas maraming uling para makalikha ng elektrisidad.
“The ERC (Energy Regulatory Commission) has now suspended the electricity market so we can have more coal, renewable energy and even Malampaya-assisted power… All that and more para posibleng maibaba ang presyo,” ang winika ni Castro.
“Maganda din po na ang mga solar companies ay maka-comply sa kanilang mga obligasyon,” aniya pa rin.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang gobyerno ng Pilipinas sa ibang bansa upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng langis habang nananatiling mataas ang tensyon sa Gulf region.
“Ayaw po nating mapunta sa worst case scenario. Naghahanap po talaga tayo ng sources para yung supply ng petrolyo ay hindi mahinto at magtuloy tuloy din po para sa ating mga kababayan,” ayon kay Castro sabay sabing “Ang sabi din po niya (Marcos Jr.), there is nothing to be panicked about.”
“Ang pagsasagawa ng Executive Order 110 ay para hindi tayo makarating sa tinatawag na krisis. Ang lahat ng maaring ibigay na tulong, proyekto para maibsan ang impact na krisis ay gagawin,” ang pahayag pa rin ni Castro.
Kamakailan ay idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang state of national energy emergency, at iniutos ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) para sa mga apektadong sektor.
Kasunod ito ng paglagda ni Marcos sa Executive Order No. 110 na nagdedeklara ng state of national energy emergency, nagpapatupad ng UPLIFT, at paganahin ang whole-of-government response para matiyak ang katatagan ng suplay ng enerhiya, suportahan ang mahahalagang sektor tulad ng transportasyon, agrikultura, at MSMEs, at maprotektahan ang mga Pilipino sa gitna ng problema sa pandaigdigang suplay ng langis. (KRIS JOSE)