MANILA, Philippines – Pinaigting ng Bureau of Immigration (BI) ang kampanya nito laban sa human trafficking, lalo na sa mga scheme na nag-aalok ng pekeng trabaho sa ibang bansa sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at nauuwi sa sapilitang pagtatrabaho sa online scam hubs.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval sa isang forum sa Luneta Park, maraming Pilipino ang naloloko ng ilegal na recruitment at hindi makaalis ng bansa dahil sa kulang o pekeng dokumento, kaya naa-offload sa airport.
“Many OFWs want to leave illegally and many are also offloaded due to lack of paperwork using some recruitment agencies,” ani Sandoval.
Dagdag niya, mas mahigpit na ang border control at passenger screening, at mas pinapalakas ng BI ang koordinasyon sa NBI, Department of Migrant Workers (DMW), at iba pang ahensya para mapigilan ang illegal recruitment at trafficking networks.
Ayon sa kanya, maraming biktima ang nahihikayat sa online job ads na nag-aalok ng mataas na sahod ngunit nauuwi sa sapilitang trabaho sa scam operations sa ibang bansa.
Sinabi rin ng BI na patuloy ang rescue at repatriation ng mga Pilipino mula sa ganitong mga operasyon, na kadalasang may kasamang pagbabanta, pagkumpiska ng pasaporte, at sapilitang trabaho sa tinatawag na “fraud factories.” JAY Reyes