MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Imee Marcos sa mga ahensya ng gobyerno na pansamantalang itigil ang buwanang koleksyon ng mandatory contributions sa SSS, GSIS, Pag-IBIG, at PhilHealth dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin dulot ng krisis sa Middle East.
Ayon kay Marcos, dagdag-pasanin sa araw-araw na gastusin ng mga Pilipino, lalo na ng mga manggagawa, ang tumataas na presyo ng gasolina at krudo.
“Ang krisis sa gasolina at krudo ay pabigat lalo sa pang-araw-araw na buhay ng bawat Pilipino, lalo na sa ating mga manggagawa. Kaya’t marapat lamang na bigyan natin sila ng kahit isang buwan o higit pang palugit sa pagbabayad ng kanilang mga obligasyon,” ani Marcos.
Dagdag niya, dapat munang huwag kaltasan ang sahod ng mga empleyado upang mabigyan sila ng buong kita sa gitna ng pagtaas ng mga bilihin.
Ayon pa sa senadora, napatunayan na umano ang bisa ng ganitong hakbang noong COVID-19 pandemic at mga kalamidad.
Samantala, sinabi ni Senador Bam Aquino na dapat magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at pagkain.
Ayon sa Malacañang, pinag-aaralan pa ng gobyerno ang mungkahing price freeze bilang tugon sa epekto ng krisis sa Middle East. RNT/MND