MANILA, Philippines – Binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at transport group Piston ang emergency powers na ibinigay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng idineklarang national energy emergency, dahil umano hindi nito nararamdaman ang tulong ng mga drayber at operator sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kina Bayan secretary general Mong Palatino at Piston president Mody Floranda, isa lamang umano itong “pakitang-tao” o facade ng gobyerno at hindi tunay na solusyon sa krisis.
Sinabi nila ito kasabay ng dalawang araw na transport strike ng No Oil Price Hike Coalition mula Marso 26 hanggang 27.
Ipinunto rin ng grupo na kahit may emergency powers, wala pa ring agarang aksyon tulad ng pagbawas o pagsuspinde ng buwis sa gasolina.
Matatandaang nilagdaan ni Marcos ang Republic Act No. 12136 na nagbibigay ng kapangyarihan sa pangulo na mag-suspend o magbawas ng excise tax sa fuel kapag umabot sa $80 kada bariles ang average Dubai crude oil price sa loob ng isang buwan. Ayon sa Department of Finance, maaari itong ipatupad bandang Abril 12 o 13.
Pero tanong ni Floranda, bakit kailangan pang maghintay ng Abril kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at patuloy ding naaapektuhan ang kabuhayan ng mga driver.
Giit niya, mas epektibo sana kung maglalabas na lamang ng executive order para pigilan ang pagtaas ng presyo ng langis, imbes na umasa sa emergency powers.
Ayon naman kay Palatino, “band-aid solutions” lamang ang ginagawa ng gobyerno at wala umanong pangmatagalang plano para solusyunan ang krisis sa langis at mababang sahod ng mga manggagawa.
Nanawagan din ang mga grupo na alisin ang Oil Deregulation Law upang magkaroon umano ng mas direktang kontrol sa presyo ng langis. RNT/MND