Home METRO Seguridad pinatibay ng PCG matapos mahuli 2 Chinese na may pekeng dokumento

Seguridad pinatibay ng PCG matapos mahuli 2 Chinese na may pekeng dokumento

104
0

MANILA, Philippines – Mas pinaigting pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang maritime security protocols matapos ang pagkakaaresto sa dalawang Chinese nationals na gumamit ng pekeng travel documents upang makapasok sa Jolo, Sulu.

Ang mga suspek ay naaresto ng Coast Guard Station Zamboanga noong Marso 23 matapos umanong gumamit ng pekeng papeles upang makagalaw sa Jolo, isang lugar na kilalang sensitibo sa seguridad sa timog ng bansa.

Agad nakipag-ugnayan ang Coast Guard Station Zamboanga sa Bureau of Immigration (BI) para sa tamang turnover at legal na proseso ng mga indibiwal.

Sinabi ni PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na habang nasa kustodiya, binigyan sila ng mga pangunahing pangangailangan alinsunod sa standard humanitarian protocols.

Sa kabila ng language barrier, sinabi ng PCG na nagsagawa ng paunang panayam ang mga awtoridad gamit ang translation assistance at tiniyak na nalaman ng mga suspek ang kanilang mga karapatan at ang batayan ng kanilang pagkakaaresto, alinsunod sa due process.

Ang Zamboanga City ay tahanan ng ilang maritime at security units dahil sa kalapitan nito sa mga international sea lanes. Regular na hinaharap ng mga awtoridad ang mga kaso ng undocumented travel at illegal entry.

Ang mga suspek ay iprinisinta sa Office of the City Prosecutor ng Zamboanga para sa inquest proceedings para sa pormal na pagsampa ng kaso sa paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code (Falsification of Public/Commercial Documents) at Commonwealth Act No. 142 (Use of Aliases Law).

Pagkatapos nito, ibinalik ang mga suspek sa kustodiya ng Coast Guard “habang hinihintay ang karagdagang legal na aksyon at disposisyon, ayon sa payo ng Bureau of Immigration.”

Ang Jolo, kabisera ng Sulu, ay matagal nang nasa ilalim ng mahigpit na seguridad dahil sa mga nakaraang insidente na kinasasangkutan ng mga armadong grupo at cross-border movements.

Sinabi ng PCG na ang paglalakbay papunta sa lugar ay mahigpit na binabantayan ng parehong military at civilian authorities. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here