PAMPANGA, Philippines – Arestado sa Angeles City, Pampanga ang isang 43-anyos na South Korean national dahil sa umano’y overstaying at pagiging undocumented, ayon sa Bureau of Immigration.
Sa ulat, inaresto ang dayuhan noong Marso 18 habang tumatanggap ng delivery sa labas ng kanyang tirahan. Hindi siya nakapagpakita ng valid passport at Alien Certificate of Registration Identity Card (ACR I-Card), kaya’t itinuring siyang undocumented alien.
Batay sa imbestigasyon, lumabas din na lumampas na siya sa pinapayagang pananatili sa Pilipinas.
Dinala ang dayuhan sa BI main office para sa booking at dokumentasyon.
Ayon sa BI Intelligence Division, patuloy nilang hinahanap at inaaresto ang mga dayuhang lumalabag sa immigration laws. Iginiit din ng ahensya na ang mga overstaying o walang dokumento ay mahaharap sa deportation proceedings. RNT/MND