MANILA, Philippines – Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque na humihiling na pigilan ang House Quad Committee ang pag-aresto sa kanya kaugnay sa umano’y illegal Philippine Off shore going operations (POGO) noong 2024.
Sa 12 pahinang desisyon ng SC en banc na isinulat ni Associate Justice Sambal Gaerlan, wala nang saysay ang kaso matapos alisin ng QUADCOMM ang contempt order laban kay Roque at matapos mag-adjourn ang IKA-19 Congress noong Hunyo 11, 2025.
Matatandaang naglabas ang QUADCOMM ng contempt order laban kay Roque at ipinag-utos ang kanyang detensyon noong Setyembre 2024 matapos tumanggi itong magsumite ng mga dokumentong magbibigay -katwiran sa umano’y pagtaas ng kanyang yaman.
Paliwanag ng Korte Suprema, kapag natapos na ang isang legislative inquiry sa pamamagitan ng pagsusumite ng final report o pag-adjourn ng Kongreso ay nawawala na rin ang kapangyarihan nitong magparusa sa ilalim ng contempt.
Dahil dito, ang mga naunang utos laban kay Roque ay wala na ring saysay kabilang ang detention at subpoena na inilabas ng QuadCom.
Ang desisyon ay ipinahayag noong Disyembre 2025 at isinapubliko noong Marso 2026.
Si Roque ay hindi pa nakakabalik ng Pilipinas sa gitna ng kinakaharap na kaso sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden