MANILA, Philippines – Naghahanda ang dalawang abogado na magsampa ng verified impeachment complaint laban kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin M. Garcia at anim na kasalukuyang komisyoner sa House of Representatives, kaugnay ng mga alegasyon na may kinalaman sa automated election system, transmission process, at pagpapatupad ng campaign finance laws.
Ayon sa mga naghahain, ang reklamo ay nakabatay sa umano’y “culpable violation” ng Republic Act No. 8436, betrayal of public trust, at iba pang mabibigat na paglabag na, anila, ay nag-ugat sa sinasabing mga iregularidad sa loob ng institusyon sa magkasunod na halalan.
Kinilala ang mga complainant na sina Eldrige Marvin B. Aceron, founding partner ng Aceron & Attorneys at founder ng Aceron Public Interest and Legal Association (APILA), at Sikini S. Labastilla, co-founder ng Project Damaskus Lawyers.
Target ng reklamong ihahain sina Garcia at ang anim na commissioner na sina Nelson Celis, Ernesto Ferdinand Maceda Jr., Aimee Ferolino-Ampoloquio, Rey Bulay, Maria Norina Tangaro-Casingal, at Noli Pipo.
Ayon sa kanila, ihahain nila ang reklamo sa Kamara sa oras na makakuha ito ng endorsement mula sa kahit isang miyembro ng House of Representatives.
Sa unang bahagi ng reklamo, iniuugnay ng mga complainant ang mga respondent sa umano’y paglabag sa RA 8436 dahil sa paggamit umano ng software version 3.5.0 sa 110,000 automated counting machines na ginamit sa halalan noong Mayo 12, 2025, na ayon sa reklamo ay hindi ang source code na sumailalim sa mandatory source code review. Binanggit din nila ang naging pahayag umano ni Garcia noong Hulyo 14, 2025: “Walang walang wala po. Talagang 3.5.0 version tayo.”
Sa ikalawang bahagi, sinasabi sa reklamo na nagkaroon umano ng hindi awtorisadong intermediary server na tinawag na “Data Center 3,” kung saan diumano idinaan ang mga resulta ng halalan bago makarating sa limang accredited transparency servers. Ayon sa mga complainant, ito ang sinasabing naging dahilan kung bakit naantalang makatanggap ng resulta ang PPCRV at NAMFREL nang mahigit dalawang oras matapos magsara ang botohan. Nasa reklamo rin na inamin umano ni Garcia ang naturang pagkaantala kinabukasan.
Sa ikatlong bahagi, si Garcia naman ang partikular na idinadawit sa alegasyon ng pagtatago umano ng paggamit ng iisang private IP address para sa 20,300 vote-counting machine modems noong 2022 elections. Ayon sa reklamo, lumitaw lamang umano ito makalipas ang labing-apat na buwan, habang ang mga telco transmission logs na maaari sanang magsilbing ebidensiya ay hindi na-preserba at kalaunan ay nasira. Binanggit din ng mga complainant na nangako umano si Garcia ng manual recount sa mga balota noong 2022 at nagkaroon pa ng pormal na aksyon ang Comelec en banc ukol dito, ngunit wala umanong naging kasunod na hakbang. Idinagdag nila na sa G.R. No. 273136 noong Agosto 20, 2024, kinilala ng Korte Suprema ang “official inaction” ng Komisyon kaugnay ng sarili nitong mga panuntunan.
Sa ikaapat na bahagi, inaakusahan sa reklamo ang mga opisyal ng Comelec ng umano’y sistematiko at piling pagpapatupad ng campaign finance laws na pabor umano sa ilang kandidatong kaalyado ng administrasyon. Kabilang sa binanggit sa reklamo ang mga isyu umano sa donasyon na iniugnay kina Senate President Francis “Chiz” Escudero at Rodante Marcoleta. Gayunman, mga paratang pa lamang ang mga ito na nakasaad sa reklamong inihahanda at kinakailangang dumaan pa sa kaukulang proseso sa Kongreso.
“Dalawa sa pitong respondent — sina Commissioners Ferolino at Bulay — ay magtatapos ang termino sa Pebrero 2, 2027. Kaya’t ang pagkakataon para panagutin sila sa kanilang papel sa transmission anomaly noong 2022 ay papalapit nang magsara,” paliwanag ni Aceron sa timing ng nasabing reklamo.
“Si Garcia naman ay mangangasiwa sa halalan sa 2028 gamit ang parehong hindi isiniwalat na transmission architecture, kaparehong padron ng pagtatago ng ebidensya, at kaparehong piling pagpapatupad ng batas na siyang paksa ng reklamong ito. Hindi ito dapat mangyari nang walang pormal na rekord na humihingi ng pananagutan,” dagdag pa niya.
Sa panig naman ni Labastilla, iginiit niyang malayo na umano ang kasalukuyang Comelec sa dating reputasyon nito bilang marangal na institusyon.
“Ang COMELEC ay minsang pinamunuan ni Haydee Yorac, na nagawang pasunurin kahit ang mga warlord sa gun ban. Ni Hilario Davide Jr., na namuno sa unang malayang halalan matapos ang diktadurya ni Marcos at kalaunan ay nangasiwa sa panunumpa sa EDSA. Ni Regalado Maambong, Constitutional Commissioner, na tumulong bumalangkas ng mismong mga probisyong pinagbabatayan ng reklamong ito at nagtaguyod ng automation law na nilabag ni Garcia,” aniya.
Sinundan ito ni Aceron ng pahayag na: “Kung ihahambing sa pamantayang iyon, ang Komisyong ito ay nabihag na… Pinili ng COMELEC ni Garcia ang malawak at madaling landas. Ang reklamong ito ang pumili ng makitid.”
Sa ngayon, nakatakda pa lamang ihain ang impeachment complaint at malinaw na ang mga paratang ay mananatiling alegasyon hangga’t hindi napapatunayan sa tamang proseso.
Ang unang hakbang ng mga naghahain ay ang pagkuha ng endorsement mula sa isang kongresista upang umusad ang reklamo sa ilalim ng mekanismong itinakda ng Konstitusyon. RNT