MANILA, Philippines – Pinatay ang isang police corporal sa hiwalay na ambush sa Saguiaran, Lanao del Sur.
Ang insidente ay nataon limang oras bago ang nangyari namang ambush sa Maguindanao del Sur noong Marso 28 na ikinasawi ng limang pulis.
Ayon kay Capt. Steffi Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), napatay sa ambush si Police Corporal Walid Sancopan, 42, ng Bayang, Lanao del Sur, ng mga gunmen na sakay ng motorsiklo sa Barangay Paglamatan, Saguiaran, Lanao del Sur, bandang 1:45 ng madaling araw noong Marso 28.
Sinabi ni Salanguit na napatay din sa ambush si “Alias JayR,” residente ng Bukidnon na kasama ng napatay na opisyal ng pulisya.
Ang dalawang gunman ay sakay ng motorsiklo habang ang mga biktima naman ay sakay ng gray na Toyota Innova (Plate No. ZTV289) na pinaulanan ng bala mula sa isang .45-caliber pistol.
Ani Salanguit, si Sancopan ay bumaba mula sa Innova na minamaneho nito nang bitawan ang unang putok, ngunit dito na nakatiyempo ang mga suspek at nagpaulan pa ng mga bala.
Sinusuri na ng pulisya ang CCTV footage sa ambush site at nagpapatuloy ang manhunt operation. RNT/JGC