Home OPINION ‘FAKE NEWS’

‘FAKE NEWS’

160
0

MARIING pinabulaanan ng pamahalaang lungsod ng Malabon ang kumakalat na larawan ng umano’y tarpaulin ni Mayor Jeannie Sandoval na kahalintulad ng Mahal na Birheng Maria.

“Ito ay hindi totoo at batay sa aming pagsusuri ay AI (artificial intelligence)-generated at manipuladong nilalaman na hindi nagmula at hindi inaprubahan ng tanggapan ng Punong Lungsod,” ayon mismo kay City Administrator Alex Rosete.

Sa panayam ng Good Riddance, paliwanag nito na mahigpit na sinusunod ng lokal na pamahalaan ang mga alituntunin lalo na ng Department of Interior and Local Government na nagbabawal sa paglalagay ng larawan ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga tarpaulin.

Malinaw na ang kumakalat na imahe ay hindi lehitimo at walang kaugnayan sa alinmang opisyal na programa o komunikasyon ng lungsod, aniya.

“Ang ganitong paggamit ng banal na imahen ay isang kalapastanganan (sacrilege). Bilang isang debotong Katoliko, hindi kailanman gagawa o papayag si Mayor Jeannie Sandoval sa anomang makalalapastangan sa ating pananampalataya.”

“Ang kumakalat na pahayag ng umano’y paghingi ng paumanhin ay peke at hindi rin nagmula sa alkalde ng Malabon o sa alinmang opisyal na channel,” dagdag pa ni Rosete.

Hinikayat ng nasabing opisyal ang publiko na maging mapanuri at huwag basta magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon at sa halip ay sumunod lamang sa mga opisyal at mapagkakatiwalaang pahayag.

Cash relief assistance

Siniguro ni Sandoval na lahat ng apektadong sektor ng transportasyon sa Malabon ay mabibiyayaan ng cash relief assistance na nanggagaling sa pamahalaang nasyonal lalo na sa Department of Social Welfare and Development at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

“Kinikilala natin ang kanilang mahalagang papel sa pagbibigay ng ligtas at maaasahang serbisyo sa ating mga kababayan,” dagdag pa nito kasabay ng pasasalamat kay DSWD Secretary Rex Gatchalian at LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II lalo na kay Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang direktiba na siguraduhin ang agarang paga-abot ng anomang tulong sa mga apektadong sektor.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here