MANILA, Philippines – Hinikayat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board nitong Martes ang lahat ng driver at motorista na pairalin ang disiplina at iwasan ang road rage ngayong Semana Santa.
Ayon kay LTFRB chairperson Atty. Vigor Mendoza III, mahalaga ang pagpapanatili ng mahinahong pagmamaneho, dahil ang mga nakaraang insidente ng road rage ay dapat magsilbing aral.
“Learn from the lessons of road rage incidents in the past. It will not lead to something good and it will just ruin your day,” sabi ni Mendoza. Dagdag pa niya, ang disiplina at pasensya ay hindi nakakabawas sa pagkatao at makabubuti rin sa pamilya.
Paalala rin niya na dahil sa mataas na presyo ng diesel at gasolina, mas mahalagang iwasan ang mga aksidenteng maaaring magdulot ng dagdag gastos, tulad ng bayarin sa kaso ng road-related incidents. Inatasan din ang mga regional LTFRB director na paigtingin ang inspeksyon sa mga terminal ng pampasaherong sasakyan upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero.
May kabuuang 1,297 bus sa buong bansa ang binigyan ng special permits para sa operasyon ngayong Holy Week.
Samantala, nauna nang inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority na papayagan ang provincial buses sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) mula Abril 1, 9 p.m. hanggang Abril 6, 6 a.m., upang ma-accommodate ang inaasahang dami ng biyahe.
Maaaring dumaan ang mga bus patungong Cubao sa northbound at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa southbound.
Hinikayat din ng Giovanni Lopez ang publiko na i-report ang mga bus company na magtataas ng pamasahe nang labag sa batas sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis. RNT/MND