AGAD na kumilos ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa gitna ng tumitinding krisis sa langis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan, na nagbunsod ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.
Binalikan ng marami ang unang termino ni Manila Mayor Isko Moreno noong 2019 kung kailan agad niyang ipinatupad ang malawakang paglilinis sa mga pangunahing lansangan ng lungsod. Kabilang sa mga inunang tutukan ang kahabaan ng C.M. Recto sa Divisoria, mula Jose Abad Santos hanggang Asuncion Street, na matagal na panahon ding inokupa ng mga sidewalk vendor.
Sa kabila ng pagdududa ng ilan, nagpatuloy ang clearing operations hindi lamang sa Divisoria kundi maging sa iba pang pangunahing kalsada tulad ng Blumentritt, Rizal Avenue, Quezon Boulevard, at C. Palanca. Tinanggal din ang mga ilegal na terminal, ilegal na paradahan, at iba pang sagabal sa daloy ng trapiko.
Dahil sa mabilis na aksyon ng lokal na pamahalaan, naglabas noon ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government na hinihikayat ang iba pang local government units sa bansa na magsagawa ng parehong hakbang para linisin ang kanilang mga nasasakupan.
Sa kasalukuyan, muling ipinakita ni Yorme Kois ang agarang pagtugon sa krisis sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa 22 organisasyon ng jeepney drivers at operators. Inalok ang mga ito na magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero kapalit ng subsidiya na P3,000 kada araw mula sa pamahalaang lungsod.
Tinatayang nasa 1,400 na mga driver ang inaasahang makikilahok sa programa, na planong ipatupad ng limang araw sa loob ng dalawang linggo dahil sa limitasyon ng pondo ng lungsod.
Ang programa ni Yorme ay sinundan din kaagad ng alok ni Caloocan City Mayor Along Malapitan sa mga tricycle driver na babayaran ng P695 para sa apat na oras na serbisyong libreng sakay sa mga taga-Caloocan kada araw.
Inaasahang magsisilbing modelo ang naturang hakbang sa iba pang lokal na pamahalaan habang patuloy na hinaharap ng bansa ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.






