MANILA, Philippines – Ininspeksyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region XII ang 299 na establisyimento sa SOCCSKSARGEN mula Enero hanggang Marso, kung saan natukoy ang karaniwang kakulangan sa sahod, benepisyo, at kaligtasan sa lugar ng trabaho bilang bahagi ng pinalakas na Labor Inspection Program.
Layunin nitong protektahan ang mga manggagawa at gabayan ang mga employer sa ganap na pagsunod sa mga patakaran.
Sa kabuuang bilang ng ininspeksyon, 38 ang micro enterprises, 234 ang maliliit, 24 ang medium, at 3 ang malalaking kompanya, kabilang ang mga industriya tulad ng manufacturing, aquaculture, retail, at security services.
Ang inspeksyon ay bahagi ng mandato ng DOLE na tiyakin ang pagsunod sa General Labor Standards (GLS) at Occupational Safety and Health (OSH) requirements.
Binigyang-diin ng DOLE XII na ang labor inspection ay isang developmental approach na layuning itama at pigilan ang mga paglabag sa pamamagitan ng gabay at teknikal na tulong, kaysa magpataw agad ng parusa.
Upang tugunan ang mga kakulangan sa kaligtasan, pinalakas ng tanggapan ang pakikipagtulungan nito sa Occupational Safety and Health Center (REU-XII) at mga accredited na first-aid training providers upang magbigay ng training para sa safety officers at first-aiders, pati na rin gabayan ang mga employer sa pagbuo at pagpapatupad ng mga epektibong OSH programs. Jocelyn Tabangcura-Domenden