Home NATIONWIDE Hiling ng bus company na magbigay ng 10% discount sa lahat ng...

Hiling ng bus company na magbigay ng 10% discount sa lahat ng pasahero pinagbigyan ng LTFRB

147
0

MANILA, Philippines – Pinagbigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kahilingan ng isang malaking kumpanya ng bus na bigyan ng 10% discount ang lahat ng pasaherong bibiyahe mula Black Friday hanggang Easter Sunday.

Sinabi ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na ang pag-apruba, sa pamamagitan ng Board Resolution 114 Series of 2026, ay sumasaklaw sa mga operasyon ng mga pampasaherong bus sa ilalim ng Yanson Group of Bus Companies sa buong bansa.

Kabilang dito ang Vallacar Transit, Inc. na may mga ruta ng Visayas at Mindanao; ang Bachelor Express na may mga rutang Visayas at Mindanao; Rural Transit Mindanao, Inc. at Mindanao Star Bus Transport Inc, Love Transport Express Mindanao, na parehong nagpapatakbo sa Mindanao.

Kaugnay nito, kasama rin sa mga operator ang Southern Bus Star, Sugbo Urban Transit at Lov Visayas Transport Express na tumatakbo sa Visayas; at, Golden Bus Transit at Ceres Transport na may operasyon sa buong bansa.

Nauna nang ipinaalam ng Yanson Group ng mga kumpanya ng bus sa LTFRB ang kanilang intensyon na bawasan ang pamasahe ng 10 porsiyento “alinsunod sa panawagan para sa Bayanihan ng pambansang pamahalaan sa pagdiriwang ng Semana Santa.”

Kaugnay nito, nanawagan si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong” R. Marcos, Jr. sa publiko na magtulungan upang sugpuin ang epekto ng mga tensyon sa Middle East na hanggang ngayon ay nararamdaman sa matalim na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Samantala ang pagtaas ng halaga ng gasolina ay nag-udyok sa pambansang pamahalaan, sa pamamagitan ng LTFRB at sa gabay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, na ipamahagi ang subsidiya sa gasolina sa sektor ng PUV.

Bunsod nito pinuri ni Chairperson Mendoza ang kumpanya, at sinabing tiyak na magbibigay ito ng tulong pinansyal at magtataguyod ng kapakanan ng publiko.

“Kami sa LTFRB ay kinikilala at pinahahalagahan ang mabait na kilos ng Yanson Group of Bus Companies sa pagpapaabot ng tulong sa riding public,” sabi ni Chairperson Mendoza. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here