Home METRO Dalawang Bugatti Chiron naibenta na ng BOC sa halagang P205M

Dalawang Bugatti Chiron naibenta na ng BOC sa halagang P205M

176
0

MANILA, Philippines – NAIBENTA na ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang luxury car na Bugatti Chiron matapos ang mahigit dalawang taon, na inaasahang magdadala ng kabuuang ₱205,016,000 na kita sa pamahalaan.

Kabilang sa mga naibenta ang isang 2017 blue Bugatti Chiron at isang 2019 red Bugatti Chiron na nasamsam noong unang bahagi ng 2024 dahil sa kawalan ng tamang importation documents.

Ayon sa BOC, matagal na nanatili sa kanilang kustodiya ang mga sasakyan at ilang beses ding isinailalim sa public auction simula Nobyembre 18, 2024, ngunit limang ulit itong nabigo bago tuluyang naibenta sa pamamagitan ng negotiated sale.

Sa ilalim ng pamumuno ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, naisakatuparan ang pagbebenta kung saan ang dating idle assets ay napakinabangan na ng gobyerno.

“Naka-ilang auction na rin ang mga units na ito, kaya malaking bagay na sa wakas ay naibenta na sila sa pamamagitan ng negotiated sale. Ibig sabihin, hindi na sila idle assets—nagiging pakinabang na sila para sa gobyerno at sa publiko,” ani Nepomuceno.

Dagdag pa niya, patuloy ding pinalalakas ng ahensya ang border protection upang matiyak na lahat ng pumapasok na produkto sa bansa ay sumusunod sa batas.

Ang Elite Garage Corporation ang nag-iisang kalahok sa bidding at nagwagi matapos mag-alok ng ₱101,508,000 para sa 2017 model at ₱103,508,000 para sa 2019 model.

Gayunman, kailangan pa itong aprubahan ng Department of Finance bago tuluyang maisapinal, alinsunod sa umiiral na patakaran.

Tiniyak naman ng BOC na isinagawa ang bentahan nang naaayon sa batas at may buong transparency, kabilang ang live streaming ng proseso sa kanilang opisyal na Facebook page upang mapanatili ang tiwala ng publiko. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here