MANILA, Philippines – NAKIPAGPULONG si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro kay Iranian Ambassador Yousef Esmaeilzadeh para pag-usapan ang pagtutulungan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang pagpupulong ay matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magkaroon ng pag-uusap sa Iran upang matiyak ang ligtas na pagdaan ng mga barko na may kargang langis at fuel para sa Pilipinas sa pamamagitan ng Strait of Hormuz.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nasa ilalim ng “a year-long national energy emergency”, kaakibat ang hakbang ang gobyerno na ma-secure ang matatag na fuel supply at mapagaan ang epekto ng pasumpong-sumpong na global oil prices.
“Joined by Energy Secretary Sharon Garin, we discussed key avenues for cooperation,” ayon kay Lazaro.
“Building on the momentum of our Political Consultations last November 2025, we are committed to deepening our cooperation across all fronts, particularly energy cooperation,” aniya pa rin.
Ang ginawang paghihigpit ng Iran na dumaan sa Strait of Hormuz ay bilang tugon sa ginawang pag-atake ng US at Israeli na nauwi naman sa pagtaas ng pump prices sa buong bansa at banta ng suplay mula sa oil-rich Middle East, kilala rin bilang West Asia.
Wala namang ibinigay na karagdagang detalye ang DFA ukol sa miting subalit nangyari ito ilang araw matapos na inanunsyo ng Malaysia na pinayagang dumaan ang mga tankers nito sa Strait of Hormuz na hindi magbabayad ng anumang toll sa Iran.
Tumanggi namang magbigay ng komento ang Iranian embassy sa Maynila hinggil sa nasabing pulong. KRIS JOSE