Home OPINION ANO NA KASUNOD?

ANO NA KASUNOD?

133
0

OPISYAL nang inanunsyo ang pagtatapos ng Independent Commission for Infrastructure na binuo matapos pumutok ang iskandalo kaugnay ng malawakang korapsyon sa proseso nang pagbabadyet sa flood control projects.

Sa paglikha sa ICI, umasa ang publiko na may mga mananagot o maparurusahan, lalo ang “malalaking isda” na nagkamal ng limpak-limpak na salaping bayan.

Sa kanyang State of the Nation Address, sinabihan pa nga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr, ang mga mandarambong ng “mahiya naman kayo!” na tila naman hindi mga natauhan, bagkus ay lalo pang nagtigasan ang mukha.

Natapat sa mismong April Fools’ Day, may ilang nagsasabi na ang anunsyo nang pagtatapos ng ICI o ang paglikha nito sa kabuuan ay isa lamang “pambubudol” dahil sa pagkabigo nitong gawin ang totoong imbestigasyon laban sa mga mandarambong o hulihin ang malalaking isda.

Sa halip, itinuturing na nilikha lamang ang ICI upang pagtakpan ang mga tunay na salarin o mga nagnakaw ng male-maletang pera ng bayan.

Ang naging kapalaran ng ICI ay sumasalamin ngayon sa totoong kapalaran ng pagsugpo sa korapsyon.

Ang taas ng paniniwala ng publiko sa mga pangako ng Pangulo na may malalaking opisyal ng gobyerno na maparurusahan ay naging isang malaking “scam”. Dumating at lumipas ang mga petsa ngunit wala ni isang “malaking isda” na nakaranas ng malungkot na Pasko sa likod ng mga rehas.

Maging ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee ay patigil-tigil dahil natutuklasan na ang malawak na anomalya ay humahantong sa mga pintuan ng mga politiko at mga opisyal sa “inner circle” ng pinakamataas na lider ng bansa.

Sa pagsasara ng ICI, binigyang-diin ng Malacañang na ang iskandalo sa flood control ay hindi pa rin naman natatapos. Ang Office of the Ombudsman at Department of Justice ay ipagpapatuloy umano ang imbestigasyon kung saan tumigil ang ICI.

Sinabi pa nga ng Malacañang na ang Ombudsman at ang DOJ ay “nabigla” sa mga rekomendasyon sa ulat ng ICI.

Ngayon, ang taumbayan ay umaasa sa magiging aksyon ng Ombudsman at DOJ kung ang pangako sa kampanya laban sa katiwalian ay tunay nga.

Ang pagpapakulong sa mga nandambong sa pera ng bayan na nakalaan sana sa mga pagawaing pagkontrol sa baha, kalusugan at iba pa ay hindi lamang dapat mabilis, higit sa anoman ay kinakailangang mas kapani-paniwala at tapat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here