MANILA, Philippines – Isinusulong ni Manila 2nd district Rep. Rolando Valeriano ang isang targeted subsidy package para sa mga manggagawa, middle class, at micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at cooking gas bunsod ng national energy emergency.
Ayon kay Valeriano, dapat itulak ang kanyang panukalang AHON o “Agapay sa Hanapbuhay at Operasyon ng Negosyo package” kapalit ng isang emergency measure na kahalintulad ng pandemic-era “Bayanihan 3”.
“Kasama sa AHON bill ang mga direktang tulong sa mga manggagawa, middle class, at micro small and medium enterprises dahil sila ang dumaranas ngayon ng kalbaryo sa sobrang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo,” pahayag ni Valeriano nitong Lunes, Abril 6.
Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ng hindi bababa sa P3,000 na tax-free wage support ang mga minimum wage earner at mga miyembro ng Social Security System (SSS) na kumikita ng mas mababa sa P25,000 kada buwan. Para naman sa MSMEs, isinusulong ang interest-free na P250,000 loan mula sa Small Business Corporation (SBC), na mababayaran sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.
Iminungkahi rin ni Valeriano ang P500 discount voucher sa bawat mabibiling 11-kilogram LPG tank para sa mga household at MSMEs, gayundin ang pagsuspinde sa utility disconnections at bill payments.
Para naman sa malalaking kumpanya, isinusulong ng mambabatas ang net operating loss carryover (NOLCO) na tatagal ng dalawa hanggang tatlong taon para sa mga pagkaluging natamo sa panahon ng energy emergency. Nais din niyang magbigay ng tax credit na katumbas ng pagtaas ng gastos sa fuel at cargo rates para sa mga retailer, wholesale firm, at freight forwarder, gayundin ang pagsuspinde sa loan payments at pagbibigay ng reprieve sa loan defaults sa pamamagitan ng mga bangko at financial intermediaries.
“Congress should give the Small Business Corporation (SBC) and other agencies the mandates and funds to help workers and businesses survive and recover from the national energy emergency,” ani Valeriano.
“Layunin ng AHON na tulungan ang mga Pilipinong manggagawa, middle class, at negosyante na makaahon sa kinasasadlakang krisis,” dagdag niya.
Wala pang inilalatag si Valeriano na tiyak na parameters para sa mga iminungkahing hakbang, na kanyang inihain sa gitna ng plano ng ilang kapwa mambabatas na maghain ng crisis response measure na tinawag na Bayanihan 3.
Dumating ang panukala sa panahong lumampas na sa P100 kada litro ang presyo ng gasolina at diesel sa bansa, habang mahigit P1,000 na ang karaniwang halaga ng isang 11-kilogram LPG cylinder matapos ang pag-atake ng United States at Israel sa Iran noong huling bahagi ng Pebrero. RNT