Home NATIONWIDE Kabataang rider, walang helmet biktima ng 1,091 road crash sa Semana Santa

Kabataang rider, walang helmet biktima ng 1,091 road crash sa Semana Santa

99
0

MANILA, Philippines – Mga kabataang lalaki na nasa edad 22 hanggang 24, at karamihan ay walang suot na helmet, ang bumubuo sa malaking bahagi ng 1,091 road crash injuries na naitala ng Department of Health (DOH) mula Marso 29 hanggang Abril 2 ngayong Semana Santa.

Ayon kay DOH spokesperson Dr. Albert Domingo, hindi pa kasama sa bilang ang mga kasong naitala noong Biyernes Santo at Sabado de Gloria, mga araw na inaasahang mas marami pa ang bibiyahe.

“Umabot na ng 1,091 yung road crash injuries o ‘yung mga banggan simula March 29 hanggang April 02 ngayong Semana Santa. Hindi pa sumasama ang Biyernes Santo at Sabado de Gloria (Road crash injuries or collisions have reached 1,091 from March 29 to April 2 this Holy Week. This does not yet include Good Friday and Black Saturday),” aniya sa isang panayam sa radyo noong Linggo.

Binigyang-diin ng DOH na marami sa mga pinsala ay inuugnay sa mapanganib na asal sa kalsada gaya ng hindi pagsusuot ng helmet, hindi paggamit ng seatbelt, at pagmamaneho habang nakainom, na pawang maaaring magbunga ng maiiwasang pagkamatay.

“So marami na ang umuuwi ngayon at kami po ay mas nababahala doon sa mga hindi naka-helmet, hindi naka-seatbelt o kaya mga nakainom at nagmamaneho dahil puwede pong pigilan ang kamatayan dahil sa banggaan (Many are now heading home and we are more concerned about those not wearing helmets, not using seatbelts, or those who are drinking and driving because deaths from road crashes can be prevented),” aniya.

Sinabi ni Domingo na batay sa datos ng DOH, karamihan sa mga nasangkot sa road crash sa naturang panahon ay mga batang lalaking adulto, partikular yaong mga nagmamaneho ng motorsiklo at nasa edad 22 hanggang 24.

“Sa katunayan nga po eh hindi naman po sa nanakot, pero kung ako po ay isang [kakilala] na mayroon na nag-aantay natin na maka-uwi; i-text na po natin lalo na nagmamaneho sa motor at lalaki 22 to 24,” sabi niya.

“Kasi ‘yung datos na nakikita namin [ay] karamihan nung mga naitala na banggaan dito sa panahon nga ito ng Semana Santa ay mga batang lalaki, hindi naman bata mga adults na lalaki 22 to 24 na hindi naka helmet at ‘yung iba ay nakainom pa,” dagdag niya.

Hinimok ng DOH ang publiko na paalalahanan ang kanilang mga kamag-anak at kaibigang bumibiyahe ngayong Semana Santa na magsuot ng helmet, huwag uminom bago magmaneho, at sumunod sa road safety measures.

“Kung mayroon ho kayong kilala na alam niyong babyahe ngayon i-text niyo at kulitin niyo sabihin niyo magsuot ng helmet at ‘wag uminom,” ayon kay Domingo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here